Mistulang dadaan sa butas ng karayom ang panukalang Maharlika Investment Fund (MIF) kapag isinalang na ito sa deliberasyon ng Senado kahit pa binigyan ng sertipikasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para mabilis na aprubahan ng Kongreso.
Ayon kay Senate President Juan Miguel Zubiri, sa kalagitnaan pa ng Pebrero 2023 nila sisimulang talakayin ang MIF bill dahil kailangang hintayin ang pinal na bersyon ng Kamara.
Dagdag pa ni Zubiri na dahil Christmas break ng Kongreso lahat ng panukalang inaprubahan ng Kamara ay saka pa lamang iaakyat sa Senado sa Enero 23, 2023.
Dadaan pa aniya ito sa komite at magpapatawag sila ng mga pagdinig.
Inihayag pa ni Zubiri na sinabi na rin niya kay Pangulong Marcos na dadaan sa masusing pag-aaral ng Senado ang MILF bill.
Samantala, iginiit ni Senate Minority Leader Aquilino `Koko’ Pimentel III na hindi dapat minamadali ang pag-apruba sa MIF bill dahil magkakaroon ito ng matinding epekto sa kinabukasan ng mga Pilipino kaya kailangang pag-aralang mabuti.
Sabi ni Pimentel, ang ‘certification of urgency’ ng nasabing panukala ay magbibigay ng impresyon na kailangan itong madaliin at umaasa siyang hindi ito mangyayari pagdating sa Senado.
“Certify urgent? Eh kung ang gawin munang urgent kaya ay ang pag baba ng presyo ng pagkain para may disenteng Noche Buena, ang pagtaas ng suweldo ng mga manggagawa lalo ang mga teacher at health workers, at ang ayuda sa matatanda, solo parents at mga may kapansanan?” reaksyon naman ni Senador Risa Hontiveros.
Sa Kamara, binigyang-diin ni House Deputy Minority Leader at Basilan Rep. Mujiv Hataman na parang minadali ang pag-apruba ng Kamara sa MILF bill na ipinasa sa loob lamang ng 18 araw.
“Sa ganang akin, hindi ito sapat na panahon para pagtibayin ang panukala lalo na kung maraming tao at sektor ang nagpahayag ng pagtutol sa maraming probisyon nito,” sabi ni Hataman. (Dindo Matining/Billy Begas)
The post Senado hihimayin Maharlika Fund sa Pebrero 2023 pa first appeared on Abante Tonite.
0 Comments