Tirador ng delivery rider, nasakote

Arestado ang isang lalaki habang pinaghahanap ang kasabwat nito nang agawin ang cellphone ng isang Lalamove driver at pinagbabato pa ang biktima upang hindi sila mahabol sa Imus City, Cavite Huwebes ng madaling-araw.

Hawak ngayon ng Imus Police ang suspek na si Donnel Baquilar y Delos Santos habang tinutugis ang kasabwat niya na kinilalang si Randolf Arellano y Makasukit, kapwa nasa hustong edad.

Inireklamo sila ng delivery rider na si Jerome Sayaman.

Sa salaysay ng biktima kay PSSgt Roy Vincent Reyes ng Imus City Police, nakatambay siya sa kanyang motorsiklo habang nag-aabang ng text message sa address ng isang kliyente sa harapan ng 7/11 convenience store sa kahabaan ng Emilio Aguinaldo Highway sa Brgy. Palico IV dakong alas-12:10 ng madaling-araw nang sumulpot ang mga suspek at hinablot ang kanyang Samsung A11 na cellphone na nagkakahalaga ng P7,000 at saka kumaripas ng takbo.

Gamit ang kanyang motorsiklo, hinabol ng biktima ang mga suspek subalit pinagbabato siya dahilan upang mawalan siya ng balanse at matumba.

Nagtamo ang biktima ng mga sugat sa katawan.

Subalit rumesponde naman ang mga awtoridad sa insidente kung kaya’t nasakote si Baquilar at nabawi ang tinangay na cellphone. (Gene Adsuara)

The post Tirador ng delivery rider, nasakote first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments