Ni Nancy Carvajal
Nagwakas ang 20-taong pagtatago ng isang dating army na sumapi sa grupo ng Abu Sayyaf at kabilang sa umano’y naganap na pambobomba sa dalawang department store sa Zamboanga City noong Oktubre 2002 na ikinasawi ng walo katao at ikinasugat ng halos 200, matapos itong maaresto ng National Bureau of Investigation Anti- Terrorism Unit sa Cavite nitong Huwebes.
Kinilala ng NBI ang suspek na si Usup Adin, na gumagamit din ng alyas na Alib Adin, ng Justin Ville Subdivision, Panapaan, Bacoor, Cavite.
“The subject peacefully yielded to the arresting agents after he was properly apprised of his rights and charges against him,’’ ayon kay NBI Deputy Director for Intelligence Ruel Bolivar.
Sinabi ni Bolivar na kabilang sa umaresto kay Usup ang mga police at military anti-terrorist contingent batay sa warrant of arrest na inisyu ng isang Zamboanga City Regional Trial Court Judge.
Ang NBI-CTD sa pamumuno ni Supervising Agent Manuel Fayre ay nagsagawa ng ilang buwang surveillance para ma-validate ang pagkakakilanlan ni Usup.
Ayon pa sa ulat ng NBI, si Usup ay positibong kinilala ng hindi pinangalanang complainant.
“A series of surveillance operation were conducted to validate the information and positively identify the subject,” sambit pa ni Fayre.
Nakasaad sa ulat ng NBI na si Usup ay isang Army Integree, ngunit na-discharge matapos siyang mag-AWOL (Absent without Authorization) makaraang akusahan ng pagpatay sa isang military informant.
Bukod pa rito ang pagpaslang sa tatlo katao na kinabibilangan ng isang pinuno ng barangay sa Zamboanga City.
Base sa mga naunang ulat, noong Oktubre 2002 ay 7 bomba ang itinanim sa iba’t ibang lugar sa Zamboanga City, dalawa sa inilagay sa department store ay sumabog.
Ang unang bomba ay sa Shop-o-Rama department store at makalipas lang ang ilang minuto ay may sumabog din sa isa pang department store na halos isang bloke lang ang layo sa unang pagsabog.
Ayon sa ulat ng NBI, bukod sa paghahasik ng lagim, ang pambobomba ay sinadya at pakana ng grupo ni Usup para pagnakawan ang isang shop sa loob ng department store.
Si Usup ay nakakulong na ngayon sa NBI jail facility.
The post Abu Sayyaf bomber nabitag first appeared on Abante Tonite.
0 Comments