Empleyado nagkabit ng hidden camera sa CR, kalaboso

Kalaboso ang isang empleyado nang madiskubre ng kanyang mga katrabaho na nagkabit ito ng hidden camera sa loob ng comfort room ng kanilang opisina sa Mandaluyong City, ayon sa ulat kahapon.

Sa report ni P/Col. Jay Guillermo, spokesperson ng Eastern District Anti-Cybercrime Team, napansin ng isang babaeng empleyado ang camera sa harapan mismo ng toilet bowl, sa ilalim ng lababo habang gumagamit siya ng banyo.

Namataan niya ang adhesive green tape sa bahagi ng lababo na nakakonekta sa isang power bank at doon ay nadiskubre niya ang naturang camera.

Duda ng empleyadong babae na ang katrabaho nilang lalaki ng naglagay ng camera dahil ito umano ang huling nakitang pumasok sa CR at natagalan bago lumabas.

Dahil dito ay agad na tumawag ang mga empleyado ng pulis para humingi ng tulong at sila na mismo ang umaresto sa katrabaho na nagtangka pang tumakas matapos mabisto ang kaniyang ginawa.

Nakapiit na ang suspek habang inihahanda ang kasong paglabag sa Republic Act 9995 (Anti-photo and video voyeurism, Violence Against Women and Children) at RA 11313 (Bawal Bastos Act). (Dolly Cabreza)

The post Empleyado nagkabit ng hidden camera sa CR, kalaboso first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments