Nag-uwi si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng $22 bilyong investment pledges mula sa kanyang tatlong araw na state visit sa China.
Ayon sa Office of the Press Secretary, ito ang naging bunga ng pakikipagpulong ng pangulo sa mga Chinese business leader sa Beijing kung saan positibong tinugunan ng mga ito ang imbitasyon ng punong ehekutibo na maglagak ng puhunan sa Pilipinas.
Kabilang sa mga investment pledge ang $1.72 bilyon para sa agribusiness, $13.76 bilyon sa renewable energy, at $7.32 bilyon sa strategic monitoring partikular sa electric vehicle at mineral processing.
Sa larangan ng agrikultura, naselyuhan ang kasunduan para sa pagpasok ng durian sa China habang mayroong hiwalay na investment deal sa produkto ng niyog at food processing at green technology para sa animal feeds at iba pang agricultural product.
Ayon sa pangulo, malaking bagay din ang interes ng mga negosyanteng Chinese sa renewable energy dahil isa sa hangarin ng kanyang administrasyon na masiguro ang sapat at matatag na supply ng enerhiya sa bansa sa panahon ng kanyang panunungkulan.
Tiniyak ng pangulo sa mga negosyanteng Chinese ang suporta ng kanyang administrasyon sa negosyo ng mga ito sa Pilipinas. (Aileen Taliping)
The post Mga negosyanteng Chinese nangako ng $22B investment – PBBM first appeared on Abante Tonite.
0 Comments