Pia naawa kay Ms. Colombia

Sa recent interview sa 2015 Ms. Universe na si Pia Wurtzbach, nagbalik-tanaw siya sa pinagdaaanan niya noong kontesera pa lang siya sa mga beauty pageant.

Aniya noong panahon daw nila, walang karapatang mamili ang mga kandidata ng mga gown o damit na ipasusuot sa kanila.

Maging sa hitsura raw, kulay at cut ng kanilang gowns na ginagamit nila sa pagrampa ay ang Bb.Pilipinas Charities chair na si Stella Marquez-Araneta ang may final ‘say’ at kailangang masunod.

Dahil ilang beses siyang sumali sa beauty pageants bago nagwaging Ms. Universe, pansin daw niya na laging isinusuot ng contestant ay white gown dahil kadalasan daw kasi ng mga nananalo ay mga nakagayak ng puting damit.

Pero na-break daw niya ang myth na ito noong manalo siya ng Bb. Pilipinas noong 2015 kung saan ang winning gown niya ay black.

Noon daw namang naging pambato na siya sa Ms. Universe sa Nevada noong taong iyon, naging struggle raw sa kanya kung ano ang klase ng gown na kanyang isusuot.

Sa isang event daw kung saan siya rumampa, marami ang pumuri sa kanyang suot na blue outfit kaya naman naisip niya na bagay sa kanya ang nasabing kulay.

Naglakas loob daw siya noon na mag-suggest sa BPCI chair na kulay bughaw ang kanyang isusuot pero hindi raw naman ito nag-commit.

Noon daw lumipad na siya sa Estados Unidos para sa preparasyon sa kanyang pageant night, aminado siyang ninenerbiyos dahil wala pa siyang gown na susuotin come pageant night.

May ipinadala rin daw sa kanya, pero sa kasamaang palad ay kailangan pa itong kumpinihin dahil hindi swak sa kanyang sukat.

Come coronation night, aware raw siya na hindi siya ang may pinakamagandang gown na suot among contestants kaya naman nasabi na lang niya sa sarili na dadaanin na lang niya sa projection ang lahat.

Hindi naman siya nagkamali na ang pagpupunyagi at ang paborito niyang blue gown ang magiging suwerte sa kanya para masungkit niya ang most coveted Miss Universe crown.

Sa naturang panayam, idinetalye rin niya ang naramdaman niya noong na-wow mali si Steve Harvey nang tawagin nito si Ms. Colombia Ariadna Gutierrez bilang winner.

Handa na raw siyang tanggapin ang kanyang kapalaran na first runner up lamang siya pero may ibang plano raw ang Diyos dahil siya pala ang magiging kampeon.

Hindi rin daw niya makalimutan ang pagkakataong iyon dahil nakaramdam talaga siya ng awa kay Gutierrez.
Hirit pa niya, kung siya man daw ang malalagay sa ganoong situwasyon ay malamang na hindi agad niya matanggap ang naranasang kahihiyan.

The post Pia naawa kay Ms. Colombia first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments