VisMin lubog pa rin sa baha

NANANATILING lubog ang malaking bahagi ng Eastern Visayas at ilang bahagi ng Mindanao, kasunod ng patuloy na pagbaha na bunsod ng low pressure area o sama ng panahon.

Sa ulat, isinailalim na sa state of calamity ang bayan ng San Miguel sa Leyte dahil sa mga pagbaha at pagguho ng lupa.

Nagpatupad na rin ng forced evacuation sa mga residente na nakatira malapit sa mga bundok, mabababang lugar at tabing ilog.

Sa taya ng municipal disaster office, nasa P7M na ang danyos na pinsala sa agrikultura.

Samantala, sa Palo, inabot ng tubig ang isang Yolanda relocation site.

Tila naging lawa naman ang relokasyon sa Verdominic Heights sa Barangay San Jose kaya lumipat ang mga evacuees sa mga elementary school.

Habang sa Tacloban, nasa 12 pamilyang lumikas mula Barangay 110 ang nananatili ngayon sa may Tacloban City Convention Center dahil sa hanggang dibdib na tubig baha.

Sa Northern Samar, nasa 3 metro o ikalawang palapag ng mga bahay ang baha.

Samantala, sa Catubig, nasa 41 barangay naman ang lubog habang at higit 1,520 pamilya ang inilikas.

Pinaghahanap naman ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ang isang sundalong nawawala sa flash flood.

Sa bahagi naman ng Eastern Samar, nasa 2,000 pamilya ang inilikas sa evacuation centers mula sa 10 bayan, sabi ni Governor Ben Evardone.

May dalawang naiulat na nawawala sa probinsya. Habang sa Butuan City, nasa 264 pamilya o 1,237 indibidwal ang apektado. (Catherine Reyes)

The post VisMin lubog pa rin sa baha first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments