Mga scalper tumitiba sa PBA finals

Tatlong sinasabing scalpers o nagbebenta ng pinasirit na presyo ng mga tiket sa Philippine Basketball Association (PBA) Finals Game 6 ang dinampot sa Cubao, Quezon City, Martes ng hapon.

Kinilala ni P/Lt. Col. Rolando S Lorenzo Jr., ang nadakip na sina Kenneth Peji Benitez, 21, binata; John Limuel Dela Cruz, 20, binata at isang di na pinangalanang 17-anyos, pawang taga-Cubao, Quezon City.

Ayon kay Lt. Col. Lorenzo, nagreklamo sa kanila ang PBA hinggil sa naglipanang scalper.

Sa reklamo ni Renato Chavez, PBA HR admin head, nalaman nila na bukod sa bisinidad ng Araneta Center Coliseum, may mga nagbebenta rin ng kanilang mga tiket sa online na mas mahal ng lima hanggang 10 beses ang presyo kumpara sa orihinal nilang presyo.

Aniya, ang presyo ng kanilang tiket sa upper box ay P230 pero sa mga scalpers ay P500 hanggang P1,000, habang ang patron C seat ticket na P650 ay ibinibenta sa halagang P2,800 o higit pa.

Agad namang nagsagawa ng entrapment operation ang mga operatiba ng District Special Operation Unit sa pamumuno ni P/Captain Pio Torrecampo at City Hall Detachment sa pangunguna ni PSMS Edmur Pascua, QC-DACT sa ilalim ni P/Lt. John Carl Lozada at nadakip ang mga suspek.

Nakumpiska sa mga ito ang 50 pirasong tiket sa Game 6 na ibinebenta ng mas mahal. (Dolly Cabreza)

The post Mga scalper tumitiba sa PBA finals first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments