4 marino inambus

Patay ang isang miyembro ng Philippine Marine habang sugatan naman ang tatlong kasamahan nito matapos silang tambangan ng pinaniniwalaang miyembro ng extremist group, Sabado ng hapon sa bayan ng Marogong, Lanao del Sur.

Kinilala ang nasawi na si Sgt. Jan Melbert Pamaran, habang nagpapagaling naman sa pagamutan ang kasamahan nitong sina Cpl. Mark Anthony Bañares, Sgt. Jeram Aradji at Sgt. Joan Aniñon, pawang nagtamo ng mga bala sa katawan, at nakatalaga sa 2nd Marine Battalion Landing Team ng 1st Marine Brigade.

Samantala, patuloy ang manhunt operation ng pulisya sa grupo ni Faharudin Hadji Satar, lider ng isang extremist group na kaalyado ng Dawlah Islamiyah na sinasbaing responsable sa pananambang.

Sa ulat na nakarating sa Camp Crame kahapon, naganap ang insidente pasado alas-tres ng hapon nitong Sabado sa Barangay Cabsaran ng nasabing bayan nang dumaan sa lugar ang grupo ng mga Marines nang tambangan at pagbabarilin ng grupo ni Satar gamit ang malalakas na kalibre ng armas.

Bagamat mga sugatan ay nakuha pang lumaban ng mga biktima hanggang sa magkanya-kanya ng takas ang mga suspek. (Edwin Balasa/Catherine Reyes)

The post 4 marino inambus first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments