Oil tanker na kargado ng 800K litrong gasolina, lumubog

Lumubog ang isang motor tanker na may lulan na 800, 000 litro ng industrialized fuel oil ang lumubog sa may bahagi karagatan malapit sa Tablas Island sa Romblon,Martes ng umaga.

Ayon kay Dr. Joselito Sinocruz, port manager ng Batangas Port, nailigtas naman ng isang napadaang foreign vessel ang lahat ng 20 katao na sakay ng MT Princess Empress kabilang ang kapitan nito.

Dinala ng nakasagip ang mga nailigtas na crew sa Subic port sa Bataan.

Sinabi ni Sinocruz, patungo ang tanker sa Iloilo, at may dalang 800,000 litro ng industrialized fuel oil at nangyari ang aksidente dakong alas-2 ng madaling araw dahil sa malakas na alon.

Sinabi ng opisyal na wala pa silang natatanggap na impormasyon kung nagkaroon ng oil spill, ngunit nai-report na ang insidente sa Philippine Coast Guard (PCG) para sa kaukulang aksyon.

Samantala, isang cargo ship barge naman ang napadpad sa bukana ng Mag-asawang Tubig River sa Barangay San Antonio, Naujan, Oriental Mindoro bandang 4:00 ng madaling araw, noong Lunes.

Sa ngayon, binabantayan pa rin ng Philippine Coast Guard – Calapan ang nasabing barko na may lulan na 20 tripulante.

Batay sa pakikipag-ugnayan ng PCG Calapan sa Naujan Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (Naujan MDRRMO) at sa Sangguniang Barangay ng San Antonio, nagkaroon ng engine trouble at nag-overheat ang makina ng barko at dahil sa malalaking alon na dulot na rin ng masamang panahon kaya ito napadpad sa nasabing lugar.(Ylou Dagos)

The post Oil tanker na kargado ng 800K litrong gasolina, lumubog first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments