DTI sasampolan mga online platform, seller sa bentahan ng vape

Patuloy pa rin ang pagkalat ng mga ipinagbabawal na vape at non-nicotine products kaya pinulong ng Department of Trade and Industry (DTI) ang mga e-commerce platform at iba pang online seller noong Miyerkoles.

Pinaalala ni DTI Undersecretary Ruth Castelo sa mga bossing ng online platforms na responsibilidad nilang sundin ang mga batas, pati na ang pagtiyak na hindi makakabili ang mga menor de edad ng vape, non-nicotine products, at novel tobacco products.

Hinarap ni Castelo ang mga kinatawan ng Facebook (Meta), Lazada, Shopee, GrabExpress, Carousell, Pick A Roo, Delivery Hero Philippines, Prosperna, at Etaily na mga nagpahayag na makikipagtulungan umano sila sa DTI tungkol dito.

Sabi ni Castelo, inimbita nila ang lahat sa ginanap na pulong kaya

ang mga platform na hindi nagpadala ng kinatawan o tumangging magpadala ay hindi maaaring magdahilan na hindi nila alam ang patakaran oras na pinatupad na ito ng DTI.

Nagbabala si Castelo sa mga lalabag na pananagutin sila sa batas.

“We called for a high-level representation to this meeting with the aim of getting commitment of the decision makers. We want to ensure that products prohibited in RA11900 are not sold in your platforms in blatant contravention of the law,” sabi ni Castelo.

Paliwanag niya, ang bawat isang merchant na lalabag at magbenta ng prohibited items sa kanilang platform ay makakatikim ng asunto.

Ayon sa DTI, makakapagrehistro ang mga manufacturer at importer ng kanilang mga produkto hanggang Hunyo 5, 2024 at kailangang may mga babala na ang mga ibebenta simula sa naturang petsa. (Eileen Mencias)

The post DTI sasampolan mga online platform, seller sa bentahan ng vape first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments