NBI, PNP tatalupan P45B resibo scam

DAHIL sa laki ng krimen, pagsisiyasat sa malalaking dokumento at ebidensya, ang National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police (PNP) ay magkatuwang na magsasagawa ng imbestigasyon sa kaso ng pekeng resibo na umano’y sangkot sa mahigit isang libong malalaki at maliliit na negosyo sa buong bansa, ayon sa isang insider.

Magkasamang iimbestigahan ng NBI- Anti- Organized and Translantic Crime Division at PNP Cybercrime group ang umano’y P45 bilyong sindikato na gumagawa at nagsu-supply ng mga huwad na resibo na pumasa sa pagsusuri ng Bureau of Internal Revenue.

Nadiskubre ang sindikato sa isang raid ng NBI-AOCTD sa isang condominium unit sa Eastwood, Quezon City noong nakaraang taon na nagsilbing opisina umano ng Brenterprise International Inc.

Sa raid na iyon, kinailangan ng NBI na humingi ng suporta sa BIR para matukoy ang authenticity ng mga bundle ng mga resibo na natagpuan sa loob ng condominium unit.

Kabilang sa mga dokumentong narekober ng mga ahente ng NBI ay ang mga listahan ng mga kliyente ng Brenterprise Inc. na umano’y nag-avail ng mga pekeng resibo para mapababa ang kanilang income tax na babayaran.

Sinabi ng insider na batay sa mga dokumentong natagpuan sa raid, ang malalaking negosyo, tulad ng isang sikat na fast food chain at telecoms company ay nag-avail ng supply ng mga pekeng resibo ng Brenterprise Inc.

Noong nakaraang linggo, nagsampa ang BIR ng P25.5-bilyong halaga ng mga kaso ng buwis laban sa apat na korporasyon na umano’y multo sa BIR na humantong sa pagkalugi ng bilyun-bilyong buwis sa nakalipas na tatlong taon.

“ What the BIR filed was only a tip of the iceberg, those companies were in the list found during the raid. There are big companies listed in the documents as clients based on the documents found in the Brenterprise office,’’ayon sa insider na tumangging magpabanggit ng pangalan.

Idinagdag ng source na ang negosyo ay nangyayari sa huling labinlimang taon na hindi alam ng BIR.

“Hindi alam ng BIR yung tungkol sa sindikato, until the NBI conducted the raid after a test buy,’’ giit ng source.

Sa isinagawng test buy, nakita na ang Brenterprise ay naniningil ng .8 porsiyento ng halaga ng resibo.

“ The NBI paid P9,000 for a receipt worth P500,000 in the test buy,’’ anang insider.

Ipinaliwanag ng source na ginamit ang mga pekeng resibo para bawasan ang mga pagbabayad ng income tax ng “client company, na nag-claim ng karagdagang bawas sa buwis nang walang aktwal na pagbili o gastos.’

Sinabi PA ng insider na ang mga pekeng resibo ay ginagamit ng mga negosyo para maka-avail ng karagdagang bawas sa kanilang mga gastusin at value-added tax (VAT) remittances sa BIR. (Nancy Carvajal)

The post NBI, PNP tatalupan P45B resibo scam first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments