Hawak na umano ngayon ng mga awtoridad sa Camp Vicente Lim sa Laguna ang isang opisyal ng pulisya na itinuturong sangkot sa pagpaslang sa isang kapitan ng barangay sa Lipa City, Batangas noong Pebrero 26, 2023.
Sa pahayag ni Lt Col. Eunice de Guzman ng Calabarzon Police Public Information Office sa isang radio program, sinabi nito na ang suspek na may ranggong police lieutenant colonel ay agad sumunod sa kautusan ni Police Region Office 4A director Brig. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. na mag-report sa regional headquarters.
Nasa custodial facility na umano ngayon sa Camp Vicente Lim ang nasabing opisyal na hindi pa pinangalanan.
“Nasa ilalim pa lamang po siya ng restrictive custody dahil regular filing po lamang ang ipa-file sa kanyang kaso, at hihintayin pa natin na maisyuhan siya ng warrant,” ayon kay de Guzman.
Nabatid na sumasailalim ang naturang opisyal sa mandatory schooling sa Philippine National Police Academy sa Silang, Cavite.
Sinabi pa ni De Guzman na tatlo sa limang suspek sa krimen ang nasa kustodiya na ngayon ng pulisya kabilang ang dalawang naunang naaresto na sina Lito Bautista at Rene Boy Carbajosa.
Samantala, lumapit na rin ang pamilya ng biktimang si Vicencio Palo sa National Bureau of Investigation at hiniling na hawakan ang kaso dahil isang opisyal umano ng PNP ang isa sa mga sangkot sa krimen.
Ngunit tiniyak naman ni De Guzman na ipinag-utos ni General Nartatez ang malaliman at parehas na imbestigasyon na wala anyang dapat na kinikilingan. (Ronilo Dagos)
The post Police colonel dinampot sa tinumbang barangay kapitan first appeared on Abante Tonite.
0 Comments