Ipinadala pa sa messenger ng isang tricycle driver ang larawan ng apat na bata na kanyang minasaker sa kanilang ina saka nagpakamatay matapos na magtalo ang magdyowa dahil sa selos at pera, sa Trece Martires City, Cavite nitong Huwebes ng tanghali.
Kalunos-lunod ang mga itsura ng magkakapatid na Princess Viajan Marie, 14; Bianca Rose, 10; Jacklyn Joy, 8; at Conrado Bisa, 6, nang matagpuang patay sa loob ng isang kuwarto sa kanilang bahay sa Barangay Cabuco, Trece Martires.
Namatay naman habang ginagamot sa Gen. Emilio Aguinaldo Memorial Hospital ang suspek na si Felimon Galisangga Escalona, 38-anyos.
Sa ulat ni PSMSgt Richard Chavez ng Trece Martires City Police, dakong alas-12:35 ng tanghali nakatanggap sila ng tawag ukol sa insidente umano ng pananaksak sa loob ng isang bahay sa naturang barangay.
Rumesponde sa lugar ang mga pulis at nadatnan ang bangkay ng apat na bata na pawang may saksak sa kanilang katawan at magkakasama sa loob ng isang kuwarto.
Natagpuan naman ang suspek na may nakatusok pang kutsilyo sa dibdib nito kaya isinugod din sa ospital ngunit namatay habang ginagamot.
May natagpuang suicide note umano ng suspek na isinulat sa dingding ng bahay sa pamamagitan ng kanyang dugo at nagsasaad na, “Pasensya na, mahal kita Vir.”
Ang Vir na tinutukoy ay si Virginia, pangalan ng ina ng mga bata.
Ayon kay Chavez, anim na buwan pa lamang nagtatrabaho bilang Overseas Filipino worker (OFW) sa Saudi Arabia si Virginia pero palagi umano silang nagtatalo dahil sa selos at hindi nabibigyan ang lalaki ng suweldo nito.
Dagdag pa ni Chavez, kinunan pa ng suspek ng litrato ang mga patay na bata saka nito ipinadala sa messenger ng kanilang ina.
Nabatid na may anim na buwan pa lamang nagsasama ang suspek at ang ina ng mga bata nang mag-abroad ang ginang para magtrabaho at ipinagkatiwala sa suspek ang pangangalaga sa kanyang mga anak. (Gene Adsuara)
The post 4 magkakapatid minasaker ng amain saka nag-suicide first appeared on Abante Tonite.
0 Comments