Naging madamdamin at makabuluhan ang pagbisita sa bayang sinilangan ni PBGen. Jose Santiago Hidalgo, director ng Police Regional Office 3 (PRO 3), kahapon sa Cuyapo, Nueva Ecija.
Isinagawa ni Gen Hidalgo ang paglulunsad sa kaniyang programang “Pulis ng PRO 3, Partner ng Pamayaman” na palalaganapin sa buong Gitnang Luzon.
Unang dinalaw ng opisyal ang mga puntod ng mga namayapang mga magulang bago ang turn over ceremonies para sa bagong police mobile car, 20 assault rifles, 50 handcuffs at pagdaradag umano ng 28 bagong pulis sa bayan.
Sa kanyang mensahe ay naibahagi ni Gen. Hidalgo na ang kanyang naging hilig sa mga gawang laruang baril, espada, tirador ang humubog sa pagnanais na maging alagad ng batas.
“Maging ang nasaksihang mga libing ng mga pulis at sundalo noong dekada 80 sa Brgy. Mabini na binibigyan ng military honors ay humubog umano sa kaisipang nakararangal mamatay bilang alagad ng batas” wika ni Hidalgo.
Binilinan pa ang Cuyapo police sa ilalim ni PLt. Col. Erwin Ferry na makipag-ugnayan sa 51 barangay captain na frontliners sa peace & order at gamitin ang estratehiyang awareness, organize and mobilize.
Nagkaloob ng mainit na pagsalubong sina Mayor Dra. Florita Esteban, Vice Mayor Cindy Ramos at municipal councilors, Bokal Ariel Matias, mga barangay officials, mga dating kamag-aral at mga opisyales ng Nueva Ecija police sa pamumuno ni PCol. Richard Caballero, NE police director. (Jojo De Guzman)
The post Pulis na partner ng pamayaman, sinaluduhan first appeared on Abante Tonite.
0 Comments