Lumiliit mundo ng mga salat sa edukasyon

Nalulungkot naman ako sa nilalaman ng panukalang batas na inihain sa Kamara ni San Jose del Monte City Rep. Rida Robes na pagkakaroon ng kuwalipikasyon sa mga pumapasok na barangay tanod.

Sa inihaing panukala o ang House Bill 7603 ng lady solon, itinutulak nitong isama sa rekisitos ng mga kukuning barangay tanod ay nakapagtapos ng high school at siyempre ay may mabuting pagkatao, maayos na pag-iisip at pangangatawan.

Sa kasalukuyan ay marami tayong barangay tanod na hindi nakapagtapos ng high school ang katuwang ng mga opisyal ng barangay sa pagpapatupad ng peace and order at wala tayong nababalitaang nagdulot ito ng negatibong epekto sa kanilang pagtupad sa tungkulin bilang mga tanod.

Naniniwala akong kailangang magkaroon ng sapat na edukasyon ang mga Filipino dahil susi ito para sa ating inaasam na tagumpay pero hindi naman lahat ay pinapalad na makapag-aral dahil sa iba’t ibang kadahilanan.

Dahil sa kabiguang makapagtapos ng pag-aaral kahit hanggang high school ay nawawalan ng laban ang karamihan pagdating sa paghahanap ng trabaho. Bibihirang makakuha ng matinong trabaho ang mga hindi nakapagtapos ng pag-aaral dahil siyempre ay prayoridad ang mga may diploma.

Pero para ipagkait pa rin sa kanila ang makapaglingkod bilang barangay tanod dahil hindi sila high school graduate ay mukhang hindi naman tama.

Hangga’t may maayos na pag-uugali at walang masamang record ay hindi dapat natin inaalisan ng karapatang maging lingkod bayad.

Unang-una hindi lahat ng politiko ay nakapagtapos ng high school o kolehiyo pero pinipili sila ng nakararami na maging lingkod bayad.

Sana ay makita ng mambabatas sa Bulacan ang negatibong epekto sa maraming barangay tanod na naglilingkod sa buong bansa ng kanyang panukala lalo na’t hindi naman minimum ang pinasahod sa mga ito.

Ang dapat tutukan ng mambabatas na ito ay kung papaano mapatino ang mga palpak na serbisyo ng iba’t ibang public service sa kanyang nasasakupan, hindi ang paghihigpit sa panuntunan ng mga dapat maging tanod ng mga barangay.

The post Lumiliit mundo ng mga salat sa edukasyon first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments