Ang mga ilang araw na nakalipas ay hindi lang mainit init, kundi, talagang mainit. Pati ang simoy ng hangin sa gabi ay mainit na din. Kaya nga tunay na idineklara ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration o PAGASA, na summer na nga.
Sa init kung minsan ay nangangati ang ating katawan. Pero hindi lang dahil sa init, tinanong tayo kamakailan ng isa sa ating reader na kung bakit sobrang pangangati ang nararamdaman niya sa magkabilang paa niya. Lalo na sa gitna ng kaniyang hinlalaki at pangalawang daliri na umaabot sa ibabaw nito, na parang may butlig butlig na napapansin. “Kakalat ba ito at ano ang dapat gawin?” dugtong pa niya.
Ang pangangati dahil sa init ay umpisa ng mga karamdaman na tinatawag na heat rash. Iba ito sa urticaria na tinatawag kung may allergic reaction. Kailangan umalis sa initan, uminom ng madaming tubig at panatiliing tuyo ang damit. Ang pangangati sa paa ay maaaring walang kinalaman dito. Ang lebel ng histamine ang tumaas.
Ang histamine ay parte ng ating immune system na syang pumoprotekta sa ating katawan. Kung may problema o panganib, tataas ang lebel nito at kabilang sa sintomas ay ang pangangati, pagpantal ng balat, pag sipon at pag ubo, at sa mga malalalang sitwasyon, kasama ang paghirap sa paghinga na syang pagmulan ng shock at pwedeng ikamatay pa. Maaaring ang mga normal na bagay ay mamistulang delikado nito kaya ang iba ay naaapektuhan at nagkakasintomas habang ang karamihan ay hindi naman. Ngunit ito ay nagbibigay ng mga sintomas sa buong katawan. Ang naramdaman sa paa ay lokal lamang. Mayroong tinatawag na contact dermatitis. Ibig sabihin ang reaksyon ay limitado sa lugar na naaapektuhan. Kadalasan ang dahilan ay nadikit sa isang bagay na allergic sa katawan. Maaaring ang tsinelas na sinusuot, lalo na kung goma ito ay ang sanhi ng karamdaman. Mapapansin kung saan lamang lumapat ang tsinelas ay andoon lamang ang sintomas. Ilang pagbabago sa balat ang maaaring makita. Pamumula ng balat, pangangati, pagkakaroon ng blisters o butlig, at nagbibitak bitak o crack ang balat. Kailangan na umiwas sa paggamit ng gomang tsinelas. Umpisahan lagyan ng malamig na bimpo sa lugar, sa katagalan pwedeng magpahid ng anti-histamine cream. Kung matindi ang nararamdaman, pwedeng inuman na din ng anti-histamine.
Mga ibang pwedeng pagmulan ng contact dermatitis ay ang paggamit ng sabon (panligo man o panlaba), pabango, mga alahas, losyon, o kung anumang bagay na madalas magamit, mahawakan, o madikit sa balat ay iwasan. Gumagaling naman ito sa loob ng dalawa hanggang apat na lingo, kung wala nang stimulant. Ngunit kung pababayaan ay pwedeng kumalat din.
Huwag lang sana tayo allergic sa ating mga mahal sa buhay. Ipatingin sa inyong doktor kung kadudaduda ang mga makikita at mararamdamn sa balat nang hindi lumala.
Hanggang sa susunod na Huwebes! Stay Healthy! Stay safe! Get vaccinated! Get Boostered!
J. RYLAN G. FLORES, MD ay isang orthopaedic surgeon, nutrigenomics practitioner at DNA profiler, fellow ng International College of Surgeons at Philippine Academy of Medical Specialists. Siya ay matatagpuan sa De los Santos Medical Center. Speaker sa iba’t ibang talakayan (medical man at iba pa, dito at internasyonal). Isang personalidad sa pelikula, telebisyon, radio (mapapakinggan sa Kalusugan Kakabilib sa DWIZ882 at IZTV 23, tuwing linggo 11am-12nn at Kapitbahay sa DZEC1062 tuwing huwebes 1pm) at Doc Rylan Facebook Live tuwing sabado 7pm. Sundan sa twitter@rylanflores, gamitin ang hashtag na #docquestion at Facebook sa Doc Rylan para sa mga komentaryo at katanungan.
The post Nadikit, nangati first appeared on Abante Tonite.
0 Comments