Pedestrian tsugi sa nakatulog na SUV driver

Patay ang isang pedestrian matapos masalpok ng SUV nang makatulog umano ang driver nito sa Alaminos, Laguna nitong Biyernes ng umaga.

Kinilala ang biktima na si Cornelio Mendoza Trimocha, na idineklarang dead on arrival sa ospital dahil sa tinamong mga pinsala sa katawan.

Ayon sa report ng Alaminos police, alas-diyes ng umaga, tinatahak ng Mitsubishi Montero na minamaneho ni Pierre Martin Lastimado Filio ang national highway sa Barangay San Agustin patungong Sto. Tomas, Batangas nang mapaidlip umano ito.

Una nitong nasagi ang school barrier bago nahagip ang biktima.

Bumangga din ang SUV sa isang nakaparadang kotse, isang motorsiklo at isang electric bike bago sumalpok sa isang bahay sa gilid ng kalsada.

Sugatan ding isinugod sa ospital ang driver ng SUV.

Sasampahan din ito ng kasong reckless imprudence resulting in homicide at multiple damage to properties. (Ronilo Dagos)

The post Pedestrian tsugi sa nakatulog na SUV driver first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments