Gobyerno kinalampag sa kapos na suplay ng asukal

Kinalampag ng ilang sector ang gobyerno na aksyunan na ang nakaambang krisis sa suplay ng asukal kasabay ng banta ng tagtuyot sa bansa dala ng El Niño.

Nabatid na limitado lamang sa tatlong kompanya ang importasyon ng asukal sa ilalim ng Minimum Access Volume (MAV) mechanism na nagbibigay daan sa hanggang 440,000 metriko tonelada ng imported na asukal sa mas mababang taripa. Ngunit, dahil sa posibleng kakulangan ng asukal, inirerekomenda ng ilang sektor na dagdagan pa ang mga kompanya na maaring mag-angkat ng asukal.

Naramdaman ang kakulangan sa supply ng asukal sa bansa bunsod ng El Niño matapos na umabot sa P136 kada kilo ang presyo sa ilang pamilihan.

Bunsod ng napipintong krisis sa asukal ay may ilang sektor sa lipunan na ang nanawagan para sa kagyat na pagkilos ng gobyerno dahil sobrang dapa na ang taumbayan sa taas ng mga bilihin.

Magandang aksyon ang ginawa kamakailan ni Manila 6th District Representative Beinevenido “Benny” Abante nang imungkahi nitong payagan ng gobyerno ang mga industrial users ng asukal na mag-angkat ng asukal upang matugunan ang kanilang mga pangangailangan.

Naniniwala si Abante, na tumatayong vice chairman ng House Good Government and Public Accountability committee na ang agarang hakbang na ito ay makakatulong upang maiwasan ang pagkawala ng trabaho at maibsan ang dagdag pasanin sa mga mamimili dulot ng mataas na presyo ng asukal.

Nauna na ring nanawagan si Senador Risa Hontiveros sa gobyerno na ipamahagi na lamang ng libre ang mga nakumpiskang smuggled na asukal sa mga mahihirap na komunidad.

Aniya, kapag binenta ang mga smuggled na asukal sa mga Kadiwa centers, parang nakipagsabwatan pa sa mga smugglers and gobyerno.

Kinuwestyon din ni Hontiveros bakit tatlong kompanya lamang ang pinayagan ng gobyerno na mag-import ng asukal sa kabila ng malaking kakulangan sa supply.

Sa panig ng Department of Agriculture ay kinumpirma ni Deputy Spokesperson Rex Estoperez na may pinag-aaralan na silang proposal na naglalayong payagan ag mga industrial users ng asukal na direktang mag-import labas sa MAV scheme para tugunan ang kanilang mga pangangailangan at ‘di na makipagkumpetensya pa sa lokal na merkado.

Umaasa ang taumbayan sa inyong kagyat na pagtugon sa mga panawagan para naman makabawas sa matinding pasanin dulot ng patuloy na pagtaas ng mga bilihin.

The post Gobyerno kinalampag sa kapos na suplay ng asukal first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments