Tuloy-tuloy ang serbisyong legal mula sa magkapatid na Senador Alan Peter at Pia Cayetano, kasama si King of Talk Boy Abunda, sa pagpasok ng bagong season ng kanilang programang ‘CIA with BA.’
Sa nakaraang labing-tatlong episodes ng unang season, matataas na ratings ang nakuha nito sa kabila ng late nitong time slot na 11:30 ng gabi tuwing Linggo sa GMA 7.
Nitong May 7, muling natunghayan sa ‘CIA with BA’ ang mga tumatak na reklamo na nasolusyonan at mga usaping tinalakay, kabilang ang pag-aabuso, utang, at problema sa relasyon.
Sa episode na ito, kinumusta rin ng programa ang mga natulungan nito hindi lamang sa kanilang mga legal na problema kundi pati sa kabuhayan.
Mainit na tinanggap ng mga manonood ang ‘CIA with BA’ mula nang ito’y umere noong Pebrero 5 at magsilbing unang service program nina Senador Alan at Senador Pia bilang mga legal adviser sa telebisyon.
Ipinagpapatuloy ng magkapatid ang naiwang legacy ng kanilang pumanaw na ama at orihinal na Compañero na si Senador Rene Cayetano, na namuno at nag-co-host ng popular na legal advice program na Compañero y Compañera sa radyo at telebisyon mula 1997 hanggang 2001.
“Gusto ko lang ipaalala sa mga nakikinig sa atin [at mga] nanonood, tulad ng sinasabi ng tatay ko — the late Compañero Rene Cayetano — ‘wag magpaapi, alamin ang batas,” patuloy na paalala ni Pia.
Ngayong ikalawang season, patuloy ang diskusyon ng mga legal na issue sa ‘CIA with BA’ habang bagong segment naman ang dapat abangan – ang “Fake, Fact, Boom!” na hango sa larong “pik, pak, boom!”
The post Pia, Alan, Boy season two na sa serbisyong legal first appeared on Abante Tonite.
0 Comments