Inaasahan na agad ipapasa ng bicameral conference committee ang panukalang ‘no permit, no exam’ sa mga pribado at pampublikong paaralan sa bansa.
Ayon kay Quezon City Rep. Marvin Rillo, isa sa may-akda ng panukala, hiniling ng Kamara sa Senado ang pagsasagawa ng bicameral conference committee meeting upang pag-usapan ang pagkakaiba ng mga panukalang natapos na.
“We don’t expect any problems in reconciling the House and Senate bills once Congress resumes session,” sabi ni Rillo, vice chairperson ng House committee on higher and technical education.
Sa ilalim ng panukala, pagbabawalan ang lahat ng eskuwelahan na hindi pakuhanin ng pagsusulit ang kanilang estudyante dahil hindi bayad ang matrikula nito.
“Once enacted, we are counting on the measure to reduce in a big way the number of students dropping out of school,” dagdag pa ni Rillo.
Kailanganin namang magbigay ng promissory note sa eskuwelahan ang magulang o guardian ng estudyante.
Upang matiyak na magbabayad, binibigyan ng kapangyarihan ang mga eskuwelahan na huwag ibigay ang grade, diploma, o certificate ng estudyante hangga’t hindi nababayaran ang utang nito.
Inaprubahan ng Senado ang Senate Bill 1358 noong Marso 20 na nagbabawal sa lahat ng paaralan na magpatupad ng “no permit, no exam.” Inaprubahan naman ng Kamara ang House Bill 6483 noong Disyembre 12 na nagbabawal sa mga tertiary school na magpatupad ng ‘no permit, no exam.’
Ang House Bill 7584 na nagbabawal sa mga elementary at high school na magpatupad ng ‘no permit, no exam’ ay inaprubahan naman ng Kamara noong Mayo 8. (Billy Begas)
The post Kongreso iraratsada `no permit, no exam’ bill first appeared on Abante Tonite.
0 Comments