P40 umento inaprub sa mga NCR private worker

Inaprubahan ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board ang dagdag na P40 kada araw sa suweldo ng mga manggagawa para sa mga pribadong kompanya sa National Capital Region (NCR).

Sa isang pahayag nitong Huwebes, Hunyo 29, sinabi ng NCR wage board na mula sa kasalukuyang P570 ay magiging P610 na ang arawang sahod para sa non-agricultural sector. Mula naman sa P533, magiging P573 na ang sahod para sa agriculture sector, mga service at retail establishment na mayroong 15 empleyado pababa, at mga manufacturer na nasa 10 ang regular na manggagawa.

Sinabi ng Department of Labor and Employment (DOLE) na isinumite ang wage order para sa pagpapatibay sa National Wages and Productivity Commission (NWPC) noong Hunyo 26, 2023.

Pinagtibay umano ng NWPC ang wage order noong Hunyo 27, 2023 at pinahintulutan ang paglalathala nito ngayong Biyernes, Hunyo 30, 2023, ayon sa DOLE.

Magiging epektibo ang bagong daily minimum wage rate para sa mga manggagawa sa pribadong sektor sa NCR makalipas ang 15 araw o sa Hulyo 16, 2023.

Ayon sa DOLE, nasa 1.1 milyong minimum wage earner sa Metro Manila ang makikinabang sa bagong umento.

“About 1.5 million full-time wage and salary workers earning above the minimum wage may also indirectly benefit as a result of upward adjustments at the enterprise level arising from the correction of wage distortion,” dagdag pa ng DOLE.

Nabatid na ang hu­ling wage order para sa mga manggagawa sa pribadong sektor sa NCR ay noon pang Mayo 13, 2022 at na­ging epektibo noong Hunyo 4, 2022. (Dolly Cabreza)

The post P40 umento inaprub sa mga NCR private worker first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments