Baguio City sablay sa P400M disaster fund

Bigo ang Baguio City na maging handa sa mga kalamidad na maaaring dumating sa bansa dahil hindi nagamit ang pondo para sa kanilang disaster resilience and preparedness, ayon sa Commission on Audit (COA).

Base sa 2022 annual audit report ng COA, mula sa P404.665 milyong pondo para sa paghahanda sa kalamidad ay nasa P106.841 milyon lamang ang nagamit o nasa 26.34% ng kabuuang budget.

Kaya hindi umano makakamit ang hangarin ng lokal na pamahalaan ng Baguio City na pinamumunuan ni Mayor Benjamin Magalong para palakasin ang kanilang kahandaan sa mga kalamidad.

Bunga nito, inatasan ng COA si Magalong na tiyakin na naipatutupad ang mga programa, proyekto at mga aktibidad ng pamahalaang lungsod upang matiyak na makakamit ang target ng para sa Disaster Risk Reduction and Management ng Baguio.

Sinita rin ng COA ang kabiguan umano ng pamahalaang lokal na magsumite ng buwanang report sa kanilang paggamit ng Local Disaster Risk Reduction Management Fund.

“We recommended that the City Government strictly comply with the reporting requirements,” ayon sa COA.

Samantala, pinuna rin ng COA ang kawalan ng mekanismo at proseso ng Baguio City para sa kanilang Gender and Development (GAD) program kabilang dito ang GAD database, Monitoring and Evaluation System at GAD Responsibility Center.

Maging ang GAD Plan and Budget and Accomplishment Report ay bigo rin umanong magsumite ang lungsod na malinaw na paglabag sa mga panuntunan ng COA.

Inatasan ng COA ang lungsod na ayusin ang kanilang programa sa GAD at tiyakin na mayroong database para sa epektibong gender-responsive planning, programming at policy formulation. (Tina Mendoza)

The post Baguio City sablay sa P400M disaster fund first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments