Himas-rehas ngayon ang may-ari ng isang Milk tea shop nang iyabang umano at takutin sa hawak niyang baril ang tatlong menor de edad na kostumer sa Quezon City, nitong Biyernes ng hapon.
Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) PBGen. Nicolas D Torre III, ang suspek na si Jose Monsior Agustin Ramos, 34, ng Brgy. Fairview, Quezon City.
Sa report kay Fairview Police Station (PS 5) chief, PLt. Col. Elizabeth Jasmin, alas-5:30 ng hapon nang maganap ang insidente sa Papa Pearl Milk Tea sa Lilac Dahlia St., Brgy. Greater Fairview, QC.
Una dito, naglalaro ng bilyar ang tatlong biktimang nasa edad 16, nang magpasyang bumili ng milk tea sa katabing milk tea shop na pag-aari ng suspek.
Dahil sa maingay umano ang mga bata ay nagalit ang suspek at pinagsabihan ang mga biktima.
Hindi pa umano nakuntento, kinuha ng suspek ang kanyang Glock air pistol, ipinakita sa mga bagets at pinagbantaan sila.
Sa takot, nagsumbong ang tatlo sa kanilang mga magulang na agad namang humingi ng tulong sa PS 5 at dinakip ang negosyante. (Dolly Cabreza)
The post Negosyante niyabang baril, kinalawit first appeared on Abante Tonite.
0 Comments