Anyare sa linis listahan ng 4PS

May good news na naghihintay sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

Ito ang ang planong paglarga sa susunod na buwan sa Lifeline Rate program kung saan ay babayaran ang bill sa kuryente ng mga pinaka-mahihirap na mamamayan.

Ang programa ayon sa Presidential Communications Office (PCO) ay para sa mga kuwalipikadong mamamayan na walang kakayahang bayaran ang kanilang bill ng kuryente.

Pangunahing target ng programa ay mga benepisyaryo ng 4Ps at pinaka-mahihirap batay sa itinakdang pamantayan ng Philippine Statistics Authority (PSA).

Isang aplikante sa bawat household ang papayagang mag-apply sa Lifeline Rate program.

Ang mga kuwalipikadong benepisyaryo ay maaaring magsumite ng aplikasyon sa Distribution Utility o kaya sa Electric Cooperative at ilakip ang latest bill ng kuryente at address ng customer.

Para naman sa mga aplikanteng nasa pinaka-mahihirap na pamantayan, kailangang magpakita ito ng sertipikasyon mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na ang kinikita ay mas mababa sa poverty threshold.

Magandang programa ito pero ang nakakabahala ay baka mga maka lapit na naman sa kusina ni barangay chairman ang makikinabang.

Hindi naman lingid sa kaalaman ng lahat ng talamak sa mga barangay ang pagbibigay prayoridad sa mga kamag-anak, kakilala, kaibigan ng mga nasa barangay kapag may bigayan ng biyaya.

Imbes ang totoong mahihirap ang makinabang ay mga malalakas lamang kay chairman at iba pang opisyal ng barangay ang nabibiyayaan.

Kaya sana maging mabusisi sa pagkakataong ito ang DSWD. Tiyaking tunay na mag benepisyaryo ang makikinabang sa tulong na ito ng gobyerno.

Ano na nga ba ang nangyari sa paglilinis ng listahan ng mga benepisyaryo ng 4Ps.

Noong panahon ni dating DSWD Secretary Erwin Tulfo ay masigasig ito sa paglilinis. Kaya ang aming katanungan, tuluyan na nga bang nalinis ang listahan ng 4Ps?

Sana naman dahil unfair naman sa mga tunay na benepisyaryo nating kababayan.

Sa isang banda kumusta na rin kaya ang mga natenggang benepisyo ng mga senior citizen, ng mga estudyante na mahabang panahon na ring natigil lalo na sa mga lalawigan?

The post Anyare sa linis listahan ng 4PS first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments