Good news, bad news

May napansin na good news at bad news ang ilang tropapips natin nitong nagdaang linggo. Ang good news, ibinida ng Philippine Statistics Authority (PSA) na lalo pa raw bumagal ang pagsirit ng presyo ng mga bilihin at serbisyo nitong nakaraang July. Ano kaya ang bad news?

Sabi ng PSA, mula sa 5.4% noong June, naging 4.7% na lang daw ang inflation noong July. At kung ikukumpara sa 6.4% noong July 2022, aba’y poging-pogi ang datos ngayon.

At mula sa 8.7% noong Enero, mantakin natin na halos kalahati na ang natapyas. Ibig sabihin ba nito eh maayos na ang buhay ng mga Pinoy? Ang bad news, mukhang hindi.

Dahil kung paniniwalaan naman ang pinakahuling Social Weather Stations survey para sa ikalawang quarter ng 2023, aba’y lumilitaw na mas dumami ang mga Pinoy na nakakaranas daw ng involuntary hunger, o mga kumakalam ang sikmura.

In short, dumadami ang awals tsitsa, mga waray tsibog dahil mahal ang bugas. Sa resulta umano ng survey na ginawa ng June 28 hanggang July 1, lumabas na 10.4% ng mga Pinoy ang naging “Tom Jones”. Higit na mas mataas ito sa 9.8% na naitala noong March survey, pero mas mababa sa 11.8% noong December 2022.

Pero bakit kaya dumami ang “Tom Jones” gayung ang sabi ng PSA, kaya bumagal ang July inflation ay dahil sa mababang singil daw sa kuryente, renta sa bahay, mababang presyo ng liquefied petroleum gas (LPG), gayundin ang pagkain gaya ng manok, tilapia at puting asukal?

Ang hirit ng ilang ayudanatics nating tropapips, baka dahil hindi pa nasakop ng survey ang buong July na basehan ng inflation rate ng PSA. Kasi nga naman, June 28 hanggang July 1 ang nakasaad na ginawa ang survey.

Kaya lang, hindi rin makapaniwala ang ilang tropapips natin sa sinasabing bumaba ang gas at singil sa kuryente. At kung pagbabasehan daw ang nangyayari nitong huling bahagi ng July dahil sa bagyo at habagat, mukha raw tataas ang inflation sa August.

Babala ng ilang tropapips natin, hindi raw kasi maganda ang mga indikasyon sa presyo ng mga produktong petrolyo na sumisirit ang presyo lalo na ang diesel. Pati na ang bigas at mga gulay at iba pang bilihin, nagtaasan dahil nalubog sa baha ang mga tanim.

Hindi rin daw dapat sabihin na hindi tumaas ang singil sa transportasyon dahil mula nang nagpatupad ng fare increase sa mga jeepney at iba pang PUVs, aba’y hindi naman na bumaba ang pamasahe. At ngayon nga, may mga fare hike naman sa LRT at singil sa toll kahit pa binabaha ang NLEX at SLEX.

Kung binabaha ang mga expressway, tanong ng mga tropapips nating mahilig gumala, ano raw kaya ang mangyayari sa ginagawang subway? Convertible daw ba kaya o puwede raw kayang maging submarine ang mga tren kapag nalubog sa tubig ang subway para hindi malunod ang mga pasahero? Pero ibang topic ang baha.

In short, sabi ng ilang ayudanatics nating tropapips, alaws wenta ang pagbaba ng inflation kung hindi naman nararamdaman ng mga utaw na bumababa talaga ang presyo ng mga bilihin, pamasahe, at kuryente.

Para bang ang nais na ipaliwanag ng mga tropapips natin, mataas na noon ang mga bilihin at serbisyo, at nananatili pa ring mataas ngayon kahit pa sabihin na bumaba ang inflation ng July.

Kahit ang mga tropapips natin na sa grocery namimili, ganoon pa rin ang reklamo na kakaunti na lang ang nabibili ng P1,000 na budget nila. Pareho pa rin daw noong nasa 8% level ang inflation. In short, bad news pa rin. Tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo”.

The post Good news, bad news first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments