Pasaway kay erpat, tinodas

DEDBOL ang isang binata matapos siyang pagtatagain ng sariling ama sa Barangay Sta. Cruz, Currimao, Ilocos Norte kamakalawa.

Ayon sa Currimao Police Station (CPS), ang biktima ay nakilalang si Herbert Menor, 37, construction worker samantalang ang suspek niyang ama ay si Nestor Menor, 65, kapwa residente ng nasabing barangay.

Sa ulat ng CPS, bago ang insidente, umuwi si Herbert na lasing na lasing sa alak dahilan para tanungin siya ng kanyang ama kung saan siya galing.

Sinabi ng pulisya na pabalang umanong sumagot ang biktima sa ama sanhi ng mainitan nilang pagtatalo.

Sa gitna ng kanilang pag-aaway, kumuha ng itak si Nestor, sinugod ang biktima at pinagtataga ito sa likod.

Agad na dinala sa Mariano Marcos Memorial Hospital and Medical Center ang biktima ngunit siya ay dead-on-arrival na, ayon sa medical expert.

Sumuko naman ang ama sa pulisya kasama ang itak na ginamit niya sa krimen. (Allan Bergonia)

The post Pasaway kay erpat, tinodas first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments