Tulfo, Gatchalian sabong sa 21 Usec, Asec

Umalma si ACT-CIS Party-list Rep. Erwin Tulfo matapos siyang sisihin sa tambak na mga undersecretary at assistant secretary sa dati niyang pinamunuang Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Nakarating sa kaalaman ni Tulfo na umaa¬ngal daw si Secretary Rex Gatchalian dahil hindi ito makapagtalaga ng mga bagong opisyal dahil nagtatrabaho pa rin sa DSWD ang kanyang (Tulfo) mga itinalaga noon.

Aniya, ang pagkakaalam niya, kaya lumobo sa 21 ang mga undersecretary at assistant secretary sa DSWD ay dahil nagluklok din ng kanyang mga tao si Gatchalian.

“Sabi sa report nahihirapan daw ang current administration ‘yung nakaupo ngayon na bawasan ito. Ang pagkaalam ko hiningi din ng bagong upong leadership ang courtesy resignation ng lahat. Nakapagtataka, sana from there binawasan na niya, hindi naman niya binawasan nag-appoint din siya dumami pa ho,” pagsisiwalat ni Tulfo sa interview ng One Balita Pilipinas.

“Sana hindi na lang niya finill (fill) up ‘yung ibang position,” giit pa niya.

Ipinaliwanag pa ni Tulfo na noong maupo siya sa puwesto noong 2022, pinagbitiw niya ang mga nakaupong undersecretary at assistant secretary doon at pinalitan ng mga bago. Humingi rin siya ng payo sa Commission on Audit (COA) at pinayagan naman siya.

“Noong mag-take over ako as DSWD secretary, sinundan ko lang po. Lahat ng mga usec at asec hiningi ko ang kanilang courtesy resignation tapos ‘yung mga in-appoint natin finil up lang natin. Pangalawa, wala namang sinasabi ang COA na ba¬wal ho ito, so nilagyan po natin, finil up ko,” saad ng kongresista.

Mistulang sinisi pa ni Tulfo si Gatchalian kung bakit hindi pa rin naalis ang mga appointee ng dating kalihim dahil noong pinaghain ng courtesy resignation ang mga ito, iilan lamang ang tinanggap ni Gatchalian ang resignation.

Plano ni Tulfo na kausapin si Gatchalian para magkaliwanagan sila tungkol sa nasabing isyu.

“Siguro mamaya o bukas eh tatawagan ko si Secretary Rex Gatchalian para maliwanan po at sasabihin kong sinundan lang ho natin ang nakaraang administrasyon,” wika ni Tulfo.

The post Tulfo, Gatchalian sabong sa 21 Usec, Asec first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments