Coast Guard, Navy bubuhusan ng intelligence fund

Bilang tagapagtanggol ng soberanya sa West Philippine Sea, dapat umanong mabigyan ng logistical at operation support ang Philippine Coast Guard (PCG) at ang Philippine Navy (PN), kabilang ang dagdag na pondo para sa kanilang confidential and intelligence fund (CIF) sa 2024 national budget.

Ito ang pahayag ni Senate President Juan Miguel Zubiri na nangakong ipaglalaban ang pagpapalaki ng CIF ng Coast Guard at Navy na responsible sa pagpapatrolya at pagbibigay ng proteksyon sa teritoryo mula sa pangha-harass at pambu-bully ng China sa West Philippine Sea.

Ayon kay Zubiri, layon nito na magkaroon ng “credible defensive posture” ang Coast Guard at Navy kung kaya’t kinakailangang palakasin ang kapabilidad ng mga ito sa depensa.

Sabi ni Zubiri, hindi sapat ang P10 milyong CIF ng PCG at P39.74 milyon naman ng Navy na naatasang protektahan ang national territory sa WPS mula sa agresyon ng China.

“Imagine, `yung Coast Guard ay P10 million lang `yung confidential fund nila. `Yung ibang ahensya ng gobyerno, hundreds of millions. So, I would suggest na puwede nating ilipat doon sa mga kailangan talaga ng intelligence funds at madagdagan ang intelligence funds to protect us both internally and externally,” ani Zubiri.

Sa oras na matanggap ng Senado ang panukalang 2024 national budget mula sa Kamaras, sinabi ni Zubiri na kanilang ire-realign o babaguhin ang mga CIF para mapalakas ang intelligence capability ng Coast Guard at Navy. (Dindo Matining)

The post Coast Guard, Navy bubuhusan ng intelligence fund first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments