DOTr sasagutin MRT rehab, ayuda sa kita

Humihingi umano ang Department of Transportation (DOTr) ng pondo para sa rehabilitasyon at ayuda sa operasyon ng Metro Rail Transit (MRT) Line 3 sa ilalim ng panukalang national budget sa 2024.

Sa ilalim ng panukalang budget, may inilaan na P2.9 bilyon sa DOTr para sa rehabilitasyon ng MRT-3 sa susunod na taon na bukod pa sa P549 milyon na alokasyon dito ngayong 2023.

May nakalaan din na P6 bilyong subsidy para sa MRT-3 bukod pa sa P1.3 bilyon para sa operasyon at maintenance nito. Ang subsidy ang ginagamit upang mapunan ang kakulangan sa kita ng MRT-3 at mapanatiling mababa ang pamasahe rito.

Kaugnay nito, umapela naman ang isang kongresista na itaas ang kapasidad ng MRT-3 upang mas maraming pasahero ang maisakay.

Ayon kay Quezon City Rep. Marvin Rillo, dapat maitaas na sa 500,000 ang kasalukuyang 300,000 pasahero na naisasakay ng MRT-3.

“We, in Congress, are prepared to provide the DOTr all the funding needed to renew the aging train line,” sabi ni Rillo.

Batay sa datos ng MRT-3, sinabi ng solon na 98.3 milyong pasahero ang sumakay sa MRT-3 noong 2022 o average na 273,141 kada araw.

Nagsimula ang operasyon ng MRT-3 noong 2000 at matatapos ang build-lease-and-transfer agreement nito sa 2025. (Billy Begas)

The post DOTr sasagutin MRT rehab, ayuda sa kita first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments