Mga Chinese spy dapat bantayan – Defense chief

Nagpahayag ng pangamba si Defense Secretary Gilberto “Gibo” Teodoro Jr. sa posibleng pag-espiya ng mga Chinese na labas-masok sa Pilipinas.

Ipinahayag ito ni Teodoro sa pagtatanong sa kanya ni Senador Risa Hontiveros nang isalang sa pagdinig ng Commission on Appointments (CA) bilang kalihim ng Department of National Defense (DND) nitong Miyerkoles, Setyembre 13.

Unang tinanong ni Hontiveros ang pahayag ni Philippine Coast Guard (PCG) Spokesperson for the West Philippine Sea at Commodore Jay Tarriela na mayroon umanong mga “foreign state actor” na posibleng nasa likod ng mga fake news upang ilihis ang agresibong aktibidad ng mga barko ng China sa West Philippine Sea.

“Kaugnay ng mga ganitong reyalidad, ano po `yung mga national security implications ng mga Chinese state-owned enterprises [na] nag-ooperate sa ating national electricity, nag-ooperate ng telecommunications equipment sa AFP camps, at pagpapasok ng kanilang mga manggagawa para magsagawa ng large-scale infrastructure projects sa Pilipinas?” ayon kay Hontiveros.

Diretsahan namang sinagot ni Teodoro ang mga katanungan na ipinukol sa kanya ng senador.

Sa isyu ng mga kompanyang pag-aari ng gobyerno ng China, sinabi ni Teodoro na hindi ito malaking problema dahil namomonitor naman nila ang mga ito.

“First, the state-owned enterprises and overt infrastructure. That’s not so much a problem because we can monitor it and we have default control over it,” wika ni Teodoro.

Ang nakababahala aniya ay ang mga aktibidad na hindi nakikita ng mga awtoridad at ang pagpasok ng mga manggagawang Chinese sa trabahong puwede namang gawin ng mga Pilipino.

“It’s the activities that we cannot see, like `yung pagpasok ng mga workers dito na dapat gawin ang trabaho po ng ating mga kababayan. `Yan po ang nakakabahala. Hindi lang po hindi makatarungan para sa ating mga kababayan, ito po ay security risk dahil may problema ho tayong momonitorin ang mga ito lalo na kung labas-pasok,” ayon kay Teodoro.

“Ang aking mas gustong malaman po at pinag-iigtingan po namin ang mga covert economic activities and information activities na hindi po litaw na nangyayari,” dagdag pa ng DND chief.

Samantala, kinumpirma ng CA ang ad interim appointment ni Teodoro bilang kalihim ng DND matapos iendorso ng CA Committee on National Defense. Tanging si Hontiveros lang ang nagtanong kay Teodoro sa pagdinig. (Dindo Matining)

The post Mga Chinese spy dapat bantayan – Defense chief first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments