Mga guro kinondena pagbura sa `Diktadurang Marcos’

Kinondena ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) ang pagbabago ng Department of Education (DepEd) sa terminong “Diktadurang Marcos” na gagawin na lamang “Diktadura” sa Araling Panlipunan curriculum ng Grade 6.

Ayon kay ACT Teachers party-list Rep. France Castro, layon ng hakbang ng DepEd na subukang burahin at pabanguhin ang pangalan ng dating pangulong Ferdinand E. Marcos.

Tinawag niya itong malinaw na pagrebisa ng kasaysayan at insulto umano sa mga biktima ng karahasan at pang-aabuso sa karapatang pantao noong panahon ng martial law.

Samantala, kinumpirma ni DepEd Bureau of Curriculum and Teaching Director Joyce Andaya ang kumakalat na memorandum sa social media tungkol sa isyu ng “Diktadurang Marcos”.

“I confirm that indeed there was a letter that was sent to the Office of Undersecretary for Curriculum and Teaching. This was made by our Bureau of Curriculum Development (BCD) specialist. This was submitted to my office and forwarded to the Office of Undersecretary for Curriculum and Teaching,” pahayag ni Andaya sa isang press conference.

Subalit nilinaw nito na dadaan pa sa proseso ang naturang pagbabago sa pilot test ng K to 10 curriculum.

Giit pa ni Andaya na walang “pressure” sa DepEd na alisin ang pangalang “Marcos” na nakapaloob sa asignatura ng Araling Panlipunan. (Vick Aquino)

The post Mga guro kinondena pagbura sa `Diktadurang Marcos’ first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments