Naniniwala si Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na makakatulong para lumabas ang katotohanan sa pagre-retieve sa mobile cellphone ng 6 na suspek sa mga nawawalang sabungeros.
Nabatid kay Remulla na nag-apply ang Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng cyber warrant sa mga cellphone ng akusado.
“Bakit mahalaga ito? Sapagkat, maari itong magbigay liwanag sa mga ibang bagay-bagay sa ibang mga pangyayari bukod sa case number one na dahilan kung bakit sila nahuli,” ayon kay Remulla sa media briefing matapos makipagpulong sa pamilya ng mga nawawalang sabungero.
“Kaya dahil dito ay sabi ko nga sa mga pamilya ng mga missing sabungeros, isang taon kami nag uusap… at sa isang taon na ‘yon, ito marahil ang pinakamahalagang araw sapagkat may lumalabas na maaring maging tulay papunta sa katotohanan,” dagdag ni Remulla.
Magugunita na noong nakaraang Linggo ay naaresto ng CIDG sina Julie “Dondon” Patidongan, Carlo Zabala, Virgilio Bayog, Roberto Matillano Jr., Johnry Consolacion, at Gleer Codilla matapos ang dalawang surveillance operation.
Gayunman, nag-not guilty plead ang 6 sa kasong kidnapping at serious illegal detention sa arraignment na ginawa ng Manila regional trial court sa pagkidnap kina John Claude Inonog, James Baccay, Marlon Baccay, Rondel Cristorum, Mark Joseph Velasco, at Rowel Gomez.
Kaugnay nito, sinabi ni Remulla na dahil sa retrieval ng mga mensahe sa cellphone, naniniwala siyang malapit nang makilala ang mastermind sa pagkawala ng mga sabungeros sa Manila Arena. (Juliet de Loza-Cudia)
The post ‘Utak’ sa mga missing sabungero tagilid na first appeared on Abante Tonite.
0 Comments