Sugatan ang isang pulis nang tambangan ng isang miyembro ng Citizen Armed Force Geographical Unit (Cafgu) at isang civilian community peace volunteer, sa Zamboanga City, Zamboanga del Sur nitong Biyernes ng hapon.
Ayon kay P/Colonel Arlan Delumpines, City Police Director ng Lamitan, alas-3:30 ng hapon nang mangyari ang pananambang sa Brgy. Parangbasak, Lamitan City.
Sa report, habang binabaybay ng biktimang si Police Staff Sgt. Jun Jabbal Arasal kasama ang dalawang pinsan ang nasabing lugar nang bigla na lamang silang pagbabarilin.
Si Arasal, miyembro ng Isabela City Police Office, ay nasugatan matapos tamaan ng mga basag na salamin at masuwerte naman na hindi nasaktan ang dalawa niyang pinsan sa pag-atake.
Kinilala ni Arasal ang mga suspek na sina Lipunan Docol, miyembro ng Cafgu; at Lim Amaran, miyembro ng civilian volunteer organization sa Parangbasak village.
Nabatid na ang nasabing pananambang ang unang naitalang paglabag sa gun ban kaugnay sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan election (BSKE) sa Oktubre 30.
Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga otoridad sa insidente. (Dolly Cabreza)
The post Lespu, 2 pinsan inambus ng Cafgu first appeared on Abante Tonite.
0 Comments