Tanker nagliyab, 2 crew natusta

Dalawang tripulante ang nasawi, habang apat pa ang napaulat na nawawala nang masunog ang isang motor tanker vessel habang nakadaong sa Batangas port, nitong Linggo ng umaga

Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG), isa sa mga bangkay ng tripulante ang narekober sa bandang unahan ng nasunog na tanker vessel kaya dalawa na ang bilang ng kumpirmadong nasawi sa insidente.

Inaalam pa ng PCG ang pagkakakilanlan ng mga nasawing tripulante.

Narescue naman ng mga mangingisda na palutang -lutang sa tubig ang isa sa limang crew na napaulat na nawawala at ito ay nakilalang si John Michael Alamansa, 26, na agad isinugod sa ospital matapos na magtamo ng 30 to 40% degree of burn.

Sa Facebook post ng PCG, alas 9:00 ng umaga nang sumiklab ang sunog sa Motor Tanker Sea Horse sa Alpha Anchorage Area sa Batangas.

Nabatid sa Batangas Coast Guard Station (CGS) , tinawagan sila ng Vessel Traffic Management System-Batangas upang i-report ang naturang insidente.

Nakipag-ugnayan ang PCG sa Bureau of Fire Protection (BFP) at Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO) upang rumesponde.

Kaugnay nito, tatlong tugboat na malapit sa lugar at kinabibilangan ng Great Lark, Sedar 7 at Sedar 8 ang tumulong naman upang apulain ang sunog na tuluyang naapula alas 11:08 ng umaga.

Inaalam pa ng PCG ang sanhi ng sunog sa oil tanker.

Nakipag-ugnayan na rin ang Marine Environmental Protection Group-Batangas sa Petron Company sa posibilidad ng oil spill dahil sa lugar.. (Juliet de Loza-Cudia/Roilo Dagos)

The post Tanker nagliyab, 2 crew natusta first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments