Nagbabala ang isang digital advocacy network na maaaring magamit ang mga personal data na na-hack sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) para gumawa ng bagong katauhan o fake identity upang gamitin sa krimen.
Sinabi ng PhilHealth na maaaring nasa 13 hanggang 20 milyong miyembro nito ang apektado ng hacking na ginawa ng Medusa group at karamihan dito ay mga senior citizen at mga indigent o mahihirap na miyembro.
Ayon kay Digital Pinoys national campaigner Ronald Gustilo, posibleng ibenta ang mga personal na impormasyon na libre nang ma-a-access sa Medusa blog at maaaring gamitin ang mga ito para gumawa ng mga account upang magsagawa ng money laundering o palabasin na nakuha sa lehitimong paraan ang perang galing sa krimen.
Aniya, maaari ring gamitin ang datos para mag-apply ng loans at credit cards na magiging malaking kapahamakan pa lalo sa biktima.
Tumanggi ang PhilHealth na bayaran ang hinihinging ransom ng Medusa group na P17 milyon dahil sa patakaran ng pamahalaan na hindi dapat magbayad nito kahit pa nakipag-chat ito sa Medusa group bago i-upload ng grupo ang mga personal na datos.
Paliwanag naman ni Gustilo, sakaling nagbayad ang pamahalaan ng ransom, “walang guarantee na `pag nagbayad ka, `di nila `yun ire-release.” (Eileen Mencias)
The post 13M PhilHealth member tagilid sa mga credit card scammer first appeared on Abante Tonite.
0 Comments