5 sasakyan nagkarambola; 2 patay, 14 sugatan

Dalawa ang nasawi habang 14 ang sugatan sa aksidenteng kinasangkutan ng limang sasakyan sa national highway sa Barangay Uling, Naga City, Southern Cebu nitong Miyerkules ng umaga.

Ayon sa report ng Naga City police, alas-10:45 ng umaga nang magkarambola ang nasa limang sasakyan na nagsimula sa delivery truck.

Kinilala ang nasawi na sina Waynares Dien Parame, 23, driver ng motorsiklo at helper ng truck na nakikilala lang na Junior.

Base sa CCTV footage, patungo ang trak sa Poblacion nang mawalan ng kontrol sa manibela ang nagmamaneho na si Adonis Espera at sumabit sa nakaparadang jitney bus sa kabilang lane.

Bumangga ang jitney bus sa isang motorsiklo. Nabangga rin ng truck ang isang scooter na minamaneho ni Parame at saka bumangga sa likuran ng nakahintong pampasaherong bus.

Sa lakas ng impact, nawasak ang unahan ng truck at naipit ang mga pahinante at driver nito.

Sumabog din ang butane gas na dala nito at nasunog ang nasawing pahinante na ikinasawi nito.

Dinala sa ospital ang driver ng truck na si Espera at pahinante pa nitong si John Carlo Flores at rider na si Joseph Emmanuel Bacalla.

Binawian din ng buhay sa ospital si Parame. Nagtamo naman ng minor injuries ang 10 pasahero ng bus.

(Ronilo Dagos)

The post 5 sasakyan nagkarambola; 2 patay, 14 sugatan first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments