Naging usap-usapan kamakailan ang paghihigpit ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga dumadaan sa EDSA carousel.
Nobyembre 13 nang opisyal na ipatupad ang pagtaas sa multa at parusa sa mga lalabag sa exclusive city bus lane.
Alinsunod sa ipinasang regulasyon ng MMDA P5,000 ang multa sa unang paglabag habang sa second offense ay P10,000 multa at isang buwang suspensiyon ng driver’s license at pagsalaang sa road safety seminar.
Mas mabigat ang parusang kakaharapin sa ikatlo at ikaapat na paglabag. Sa third offense ay P20,000 ang multa at isang taong suspensiyon ng lisensya.
Kapag naging apat naman na ang paglabag ay multang P30,000 ang kakaharapin at irerekomenda na ang tuluyang pagkansela ng lisensiya sa pagmamaneho.
Sang-ayon tayo sa hakbang na ito ng MMDA para madisiplina ang lahat, lalo na ang mga nasa kapangyarihan na ginagamit ang exclusive bus para sa kanilang personal na interes.
Ang hindi lang natin nagugustuhan nitong mga nakaraang araw ay tila hindi na naman seryoso ang panghuhuli, bukod sa maaaring inaaral na ng mga pasaway na motorista ang puwesto at oras ng pagbabantay sa EDSA carousel.
Ang sa ganang atin, tutal ay makakalolekta naman ng malaking halaga ng multa ang MMDA, bakit hindi ito ilaan sa makabagong teknolohiya na magbabantay sa pasukan sa busway para walang nakakalusot lalo na sa mga oras na walang nakaposisyon na mga tauhan ng MMDA.
Lalabas kasing ningas kugon lamang ang kautusang ito ng MMDA kung hindi seryoso at lulubog, lilitaw lamang ang mga manghuhuling tauhan ng MMDA.
***
Speaking of ningas kugon, ganito rin ang sitwasyon sa kahabaan ng Commonwealth Avenue kung saan naglagay ng motorcycle lane at nagkasa pa ng dry run para makita ang positibong resulta para maibsan ang mga aksidente at matinding pagbubuhol ng trapiko.
Sa mga panahong ito, wala nang silbi ang motorcycle lane ng MMDA sa Commonwealth Avenue dahil kahit saan-saan na lamang nakalinya ang mga motorsiklo gayundin ang mga pribado at pampublikong sasakyan.
Sayang ang magagandang ideya kung puro simula lamang ito.
The post Ningas kugon ang mga kampanya first appeared on Abante Tonite.
0 Comments