Bakasyunista nalunod sa resort sa cebu

Nasawi ang isang binatang nagbabakasyon lamang sa Cebu matapos itong malunod sa swimming pool noong Sabado ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Mark Revin Sese, taga-Caloocan City.

Ayon sa report ng pulisya, nagtungo ang pamilya ng biktima sa Oslob, Cebu nitong weekend para sa whale watching attraction at tumuloy sa isang resort sa Barangay Tan-awan.

Subalit noong gabi, habang naliligo ang 20-anyos na biktima sa swimming pool ng resort kasama ang pamilya ay napadako ito sa malalim na parte ng pool at nalunod.

Tinangka pa itong tulungan ng kanyang ina subalit tuluyang lumubog ang biktima.

Matapos masagip ng iba pa nilang kapamilya, isinugod ang biktima sa ospital subalit idineklara na itong patay ng doktor.

Iniimbestigahan pa ng pulisya ang pangyayari. (Ronilo Dagos)

The post Bakasyunista nalunod sa resort sa cebu first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments