Kelot tigok, estudyante sugatan sa ligaw na bala

Patay ang isang 51-anyos na lalaki habang sugatan sa ligaw na bala ang 14-anyos na estudyante matapos magpaulan ng bala ang isa sa tatlong suspek habang nakatayo ang una sa isang tindahan noong Sabado nang gabi sa Tondo, Maynila.

Idineklarang dead on arrival sa Tondo Medical Center ang biktimang si Raffy Tejas, residente Aromaland sa Barangay 101, Tondo dahil sa tama ng bala sa dibdib habang dinala naman sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center dahil sa tama ng bala sa hita ang kapitbahay nitong si Ivander Castante.

Ayon kay Police Captain Dennis Turla, hepe ng Manila Police District -homicide section, nangyari ang insidente bandang alas 6:57 nang gabi.

Nakatayo umano ang biktima sa harap ng isang tindahan nang dumaan ang dalawang suspek at pagtapat sa una ay hinubad ang sombrero nito bilang pagtukoy dito.

Kasunod nito, dumaan ang isa pang suspek na may dalang bayong at sunod-sunod na pinaputukan ang biktima.

Kahit sugatan, nakatakbo pa sa eskinita at pumasok sa bahay ng kanyang pinsan ang biktima habang tumakas na ang tatlong suspek.

Iniimbestigahan na ng mga awtoridad ang insidente para matukoy ang motibo at utak ng krimen.

(Juliet de Loza-Cudia)

The post Kelot tigok, estudyante sugatan sa ligaw na bala first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments