SEC pinatigil MFT Group sa investment modus

Pinahinto ng Securities and Exchange Commission (SEC) ang Maria Francesca Tan (MFT) Group of Companies Inc., ang Foundry Ventures I Inc., ang founder nitong si Maria Francesca “Mica” Tan at 19 pang opisyal at director ng dalawang kompanya sa pag-solicit ng investments sa publiko dahil wala itong mga kaukulang lisensya.

Sabi ng SEC, sakop ng kautusan pati mga influencer, enabler, at mga ahente nito.

Pinagbabawalan din sila ng SEC En banc na ilipat ang pondo na nasa mga depository bank o magbenta at maglipat ng iba pang mga ari-arian na sakop ng cease and desist order na inisyu noong Enero 16, 2024.

Ayon sa SEC, Setyembre 30, 2015 pa unang tinimbre sa Enforcement and Investor Protection Department (EIPD) ang MFT Group mula sa hiningan nito ng investment na P500,000 na ginarantiyahan ng tubo na 2% kada buwan.

Noong 2019, nakatanggap ng maraming katanungan ang naturang departamento kung lehitimo ba ang operasyon ng MFT Group. Pero, hindi naimbestigahan ang kaso dahil hindi binalikan ng mga nagtanong ang EIPD.

Nitong Hunyo 2023, nakatanggap muli ng reklamo ang EIPD tungkol sa MFT Group.

Base sa nagreklamo, nahikayat ang kanyang nanay na mag-invest ng malaking halaga sa MFT Group at siya ang nag-asikaso para makuha ang pondo ng kanyang ina nang pumanaw ito. Nakipag-coordinate siya sa MFT Group ngunit hindi binalik ang kanilang pera pati na ang dapat na tinubo ng investment ng kanyang ina.

Sabi ng SEC, may isa pang nagreklamo na na-scam umano ng MFT Group at isang Christian “Kenchi” de Vera ang kanyang kausap. Nagkaroon umano ng event ang MFT Group kung saan daan-daang tao ang dumalo na inaalok nila ng tubo na 1-1.5% kada buwan net of tax na aabot pa sa 18% per annum. Pagkatapos ibigay ang investment sa grupo at kay de Vera, wala na siyang narinig dito at hindi naibalik ni piso ng kanyang investment.

Dagdag ng SEC, dumami pa nang dumami ang mga reklamong natanggap ng EIPD mula sa mga taong niraket umano ng MFT Group at pare-pareho ang modus sa kanilang mga salaysay.

Sa pag-iimbestiga ng EIPD, nalaman na inililipat ng MFT Group ay ang The Foundry at nag-aalok at nagbebenta ito ng investments sa publiko na pinalalabas nitong pautang. Sabi ng SEC, tubo na 12-18% per annum ang nakaakit sa mga investors.

Dagdag pa nito, kakaiba ang diskarte ng MFT Group at The Foundry na palabasing utang ang investment para hindi sumabit sa pagbabawal sa pag-alok ng investment ng walang kaukulang lisensya.

(Eileen Mencias)

The post SEC pinatigil MFT Group sa investment modus first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments