Pabrika ng paputok sumambulat, 2 worker tigok

Dalawa katao ang nasawi habang anim ang malubhang nasugatan nang sumiklab ang sunog sa isang pagawaan ng paputok sa Cabuyao, Laguna nitong Huwebes ng hapon.

Ito ang kinumpirma ni Mayor Dennis Hain na napasugod sa ospital para umalalay sa mga biktima.

Ayon sa alkalde, nangyari ang sunog sa Barangay Bigaa at kapwa mga tauhan ng pabrika ang dalawang namatay habang dinala sa ospital ang mga sugatan kabilang ang isang bata.

Lumilitaw na isang malakas na pagsabog ang nangyari alas-5:30 ng hapon na sinundan nang pagsiklab ng apoy. Agad naman naapula ang sunog at wala namang nadamay na iba pa.

Sa isang Facebook Live, nanawagan din ang alkalde sa mga ospital sa lungsod at mga tindahan ng gamot na magbigay ng tulong medikal sa mga biktima, na sinasabing sasagutin ng lokal na pamahalaan ang mga gastos sa mga pagpapagamot.

Patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP) upang malaman kung may kapabayaan ang may-ari ng pabrika ng paputok.

(Dolly Cabreza/Ronilo Dagos)

The post Pabrika ng paputok sumambulat, 2 worker tigok first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments