Pamana ng lahi

Maliit man kung tignan, subali’t sa pangkabuuan ang mga sari-sari store ay malaki ang kontribusyon sa paglago ng ekonomiya ng bansa.

Mula Batanes hanggang Tawi-Tawi tiyak may makikitang sari-sari store.

Sa pagising sa umaga, hanggang bago matulog sa gabi, may sari-sari store na bukas may kapeng mabibili at gamot kung may emergency.

Tulad ng mga iconic na tanawin sa bansa, ang mga sari-sari store ay simbolo ng kulturang Pilipino, ‘way of life,’ ika nga. Malalim na nakaugat sa kultura ng bansa.

Patuloy na dumarami, na nagbibigay ng access sa mas maliliit na pakete at mahahalagang produkto na kailangan ng komunidad.

Itatawid ang komunidad sa anumang panahon may kalamidad man o wala, may suporta man o wala ang gobyerno.

Ang sari-sari store ay larawan ng pakikibaka ng mga Pinoy. Saksi ito sa maraming pangyayari sa kasaysayan ng lahing Filipino. Ang sari-sari store ay kwento ng ordinaryong Filipino na nagsusumikap para sa magandang buhay.

Maraming batang Filipino ang nakapagtapos ng pag-aaral at gumanda ang buhay dahil sa sari-sari store.

Meron ding nabigo at hindi nagtagumpay sa negosyong ito.

Ang sari-sari store ay pamana ng lahing Filipino.

Sa kabila ng kontribusyon ng sari-sari store sa ekonomiya ng bansa, nanatili ang mga ito sa kategoriya ng ‘informal sector’ kung may suporta man ang gobyerno ay malimit hindi nakakabot sa kanila.

Ang malungkot kinukutya pa ang mga may-ari ng mga sari-sari store. Kulang raw sa pinag-aralan o wala pa nga, walang alam sa ‘capital resources’ kaya hindi lumaki tulad ng mga nasa ‘formal sector.’

Kahambugan ang tawag dito. Saan ba nagsimula ang malalaki, di ba sa maliliit?

Paano nabibili ang kanilang mga produkto sa malalayong lugar kung hindi itutulak ng mga maliliit na tindahan na ang may-ari ay “mangmang?”

Kailangang bang nakapagtapos ng ‘economics at commerce’ ang mga may ari ng sari-sari store para maikategoriya ang kanilang hanay sa ‘ formal sector?’

Sala’t man sa kaalaman ang mga may-ari ng sari-sari store, hindi matatawaran ang kontribusyon ng mga ito sa pagbibigay ng tulong sa mga nasa laylayan ng lipunan.

Maliban sa ‘tingi system’ na ngayong ay tinatawag ng ‘sachet economy,’ sa sari-sari store pwedeng mangutang. Alam ng mga sari-sari store owner ang sitwasyon sa kanilang komunidad.

Tulad ng ibang sektor na binubuhusan ng gobyerno ng ayuda, ang mga ‘ magtitingi ‘ ay nangangailangan rin, kung hindi man salapi ay pangunawa.

The post Pamana ng lahi first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments