Pito at Batuta kontra nanlaban kaya pinutukan!

Pinagaaralan ngayon ng Philippine National Police na ibalik ang paggamit ng pito at batuta.

Ito ang pahayag ni PNP Chief Gen Benjamin Acorda Jr., matapos masentensiyahan ng korte ang isang pulis-Navotas na ‘guilty’ sa kasong pagpatay sa isang binatilyo dahil sa “mistaken identity.”

Ayon kay Gen. Acorda, hindi tamang agad na ginagamit ng mga pulis ang baril sa kanilang pagresponde na nauuwi sa krimen.

Binigyan diin ni Gen. Acorda na dapat ‘last option’ ang paggamit ng baril sa pagtugon o pagresponde sa bawat sitwasyon.

Ito ang dapat.

Subali’t ang naganap sa Navotas ay kaiba. Napagkamalan lamang ang biktima, at hindi ito ang kauna-unahang pagkakataon.
May iba pang kahalintulad na insidente sa ibang lugar. Ang ilan ay napaulat ay iba ay hindi.

Nanglaban kaya agad pinaputukan.

Magkagayon man, iniutos ni Acorda na repasuhin ang ‘police operational procedures’ dahil na rin sa ang insidente ng paggamit ng ‘sobrang lakas’ o “excessive force” ng mga ‘Mamang Pulis’ sa pagresponde sa sitwasyon ay humahantong sa karahasan, ang iba ay sa kamatayan.

Maraming ng imbestigasyon ang ginawa. May mga binuong Task Force, may imbestigasyon ang Kongreso – in aid of legislation – subali’t may mga insidente pa rin ng ‘labis na karahasan’ tulad ng biktima ng ‘mistaken identity’ na si Jemboy Baltazar.

Hindi tuloy maiwasan ang tanong na ‘trigger happy’ ba ng mga pulis o kabado?

Marahil ang sagot ay hindi.

Dahil, bago pa man bigyan ng ‘chapa o badge’ ang ating mga Mamang Pulis sumailalim ang mga ito sa mga pagsasanay kapwa pisikal at doktrina.

Sa pisikal inihanda ang katawan ng mga Mamang Pulis para makatugon sa tawag ng tungkulin.

Sa doktrina, ikinintal sa kaisipan ng mga ito ang prinsipyo ng ‘serbisyo, dangal at hustisya’ – service, honor and justice – makikita ito sa ‘badge’ ng isang pulis.

Subali’t nangyari pa rin ang Jemboy Baltazar case at iba pang mga high profile incident na kinasasangkutan ng mga pulis dahil sa paggamit ng ‘excessive force.’
Sagot nga ba ang pito at batuta, para mabura ang kaisipang ‘nanlaban’ kaya agad pinaputukan?
Pinagaaralan ngayon ng Philippine National Police na ibalik ang paggamit ng pito at batuta.

The post Pito at Batuta kontra nanlaban kaya pinutukan! first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments