Kinipkip ng University of Santo Tomas ang malinis pa ring baraha nang balasahin ang Gracel Christian College, 19-25, 25-17, 25-13, sa 2024 Philippine National Volleyball Federation (PNVF) Under-18 Championship Linggo sa Rizal Memorial Coliseum sa Manila.
Bumalikwas ang Junior Tigresses ni coach Emilio Reyes sa makupad na umpisa saka bumalasik laban sa GCC sa sumunod na dalawang bahagi ng laro para sa pang-apat na ragasa at liderato sa Pool sa 4-0 sa paligsahan.
Di gaya sa nakaraang tatlong pananagpang kontra Montessori School, 25-16, 25-23, Limitless Sports Center, 25-8, 25-9, at La Salle-Zobel, 25-16, 25-20, napag-iwanan ang España-based squad sa opening stanza saka umahon at kunin ang panalo sa isang oras at siyam na minuto.
Tumingkayad naman sa kambal na olats ang DLSZ laban sa LSC, 25-22, 25-15 win para sa 1-3 sa women’s Pool A din. Napatalsik na ang Limitless sa torneo sa 0-4.
Sa Pool B, kumalas sa magkasunod na malas ang Colegio De Los Baños laban sa Parañaque, 19-25, 25-13, 25-12 para sumampa sa 1-2. Nabaon ang Parañaque sa 0-3.
At sa boys’ category Pool A noong Sabado, kinana ng De La Salle Lipa ang Batangas Christian School, 25-22, 25-17, tungo sa record na 3-0 at isalya ang BCS sa 0-3. (Abante TONITE Sports)
The post USTe rumaratsada sa PNVF U-18 first appeared on Abante Tonite.
0 Comments