Sarado at tapos na ang liquidation proceedings ng Classic Plans Inc. na mahigit 10 taon nang hindi aktibo.
Sabi ni Insurance Commissioner Reynaldo A. Regalado sa notice to the public noong Abril 25, may direktiba ito noon pang Oktubre 16, 2023 na nag-uutos na tapusin at isara na ang liquidation proceedings sa Classic Plans.
Dagdag pa ni Regalado, mahigit dalawang taon na rin ang nakalipas mula noong Marso 24, 2021 na itinakda nitong deadline sa paghain ng claims laban sa kompanya.
Ayon sa Insurance Commission (IC), ang mga bayarin ng Classic Plans ay P5.23 milyon ngunit nasa P304,391.46 na lamang ang natitira sa trust fund nito.
Hindi ito sapat para bayaran lahat ng claims kaya paghahati-hatian ng mga plan holder ang naiwan na pera.
Ayon sa IC, 5.82% lamang ng mga binayaran ng plan holders ang kanilang makukuha. Halimbawa, sa bawat P100 na binayad sa kompanya, nasa P5.82 na lamang ang kanilang makukuha.
Samantala, itinalaga ng IC si Ruth D. Paguia, senior insurance specialist ng Conservatorship, Receivership, at Liquidation Division ng ahensiya bilang interim ex-officio distribution officer para sa Classic Plans (Eileen Mencias)
The post Mga Classic Plans holder nganga sa benepisyo first appeared on Abante Tonite.
0 Comments