SMC `di umatras sa P95B Pasig River Expressway project

Maaaring ituloy pa rin ng San Miguel Corporation (SMC) ang P95 billion Pasig River Expressway (PAREX) kapag natugunan ang mga alalahanin ng publiko tungkol sa nasabing proyekto.

Ipinahayag ito ni SMC president at chief operating officer Ramon S. Ang sa panayam ng mga reporter matapos dumalo sa Philippine Economic Briefing na ginanap sa Pasay City nitong Lunes, Mayo 27.

“We are addressing ‘yung mga concern. `Di ba maraming concern, maraming nagsasabi hindi maganda. Maliit, malaki, sinusubukan nating i-address, kaya naka-hold ngayon muna,” sabi ni Ang.

Tinanong kasi sa kanya ang status ng proyekto at sinabi ni Ang na “on hold” ito at wala pa silang ibinigay na formal withdrawal sa Toll Regulatory Board (TRB).

Nauna rito ay ipinahayag din ni TRB Executive Director Alvin Carullo na hindi pa sarado ang PAREX project ng SMC dahil wala pang kumpirmasyon mula sa naturang kompanya na tinatapos na nito ang kontrata para sa proyekto.

Matatandaang mismong si Ang ang nagsabi na sensitibo sila sa mga alalahanin ng publiko tungkol sa proyekto at nakikinig ang SMC sa saloobin ng mga tao ukol sa kanilang mga proyektong imprastraktura.

Sa ilalim ng PAREX project, magtatayo ng 19.37-kilometer six-lane elevated road sa Pasig River, mula sa Radial Road 10, Manila hanggang sa C-6.

The post SMC `di umatras sa P95B Pasig River Expressway project first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments