Kulang pa kung tutuusin ang P60 milyon na hinihinging danyos ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa China kaugnay ng insidente sa Ayungin Shoal noong Hunyo 17, ayon sa isang opisyal ng Philippine Coast Guard (PCG).
Sa nasabing insidente, naputulan ng hinlalaki ang isang sundalo at may mga nasirang kagamitan ng AFP. Kinuha rin ng mga China Coast Guard (CCG) personnel ang kanilang mga armas.
Ayon kay PCG Spokesperson for the West Philippine Sea (WPS) Commodore Jay Tarriela, kung susumahin lahat ang mga perwisyong ginawa ng CCG at Chinese militia sa PCG ay maraming dapat na bayaran bukod pa sa nangyari noong Hunyo 17 sa Ayungin Shoal.
Marami na aniyang insidente ng sinadyang pagsalpok ng CCG sa mga barko ng PCG na ikinasira ng mga kagamitan, bukod pa sa paggamit ng water cannon na madalas nilang ginagawa at pagtutok ng laser.
“Kung susumahin kung ilan na ang dapat bayaran ng China sa atin, napakarami na eh. Not just on last supply mission last June 17. There was a collision noong December, there was also water cannoning noong nakaraang Mayo. So ang dami na nilang nagawa sa atin,” ani Tarriela.
Kinontra ng opisyal ang depensa ng China na legal ang kanilang operasyon at ang Pilipinas umano ang gumagawa ng ilegal.
Sinabi ni Tarriela na hindi pa matanggap ng China na ang iginigiit nilang nine-dash line ay pinawalang-bisa na noong 2016 nang igawad ng arbitral tribunal sa Pilipinas ang pagmamay-ari ng mga teritoryo sa WPS na pilit pa rin nilang inaangkin hanggang ngayon.
“They are the only country in the world na naniniwala na sila ang may legal authority at responsibilidad dito sa nine-dash line claim na ito,” dagdag ni Tarriela. (Aileen Taliping)
The post China maraming dapat bayaran sa `Pinas – PCG first appeared on Abante Tonite.
0 Comments