Damay na naman tayo

Walang isang taon matapos ilatag sa Joint Session ng 19th Congress ng Pilipinas ang panukalang Reciprocal Access Agreement (RAA) sa pagitan ng Tokyo at Japan, ganap na itong kasunduang militar sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas at Japan.

Sinaksihan ng Pangulong Bongbong Marcos Jr. ang seremonya na ginawa mismo sa Palasyo ng Malakanyang.

Ang RAA ay nagbibigay daan kapwa sa mga sundalong Pinoy at Hapones na makapasok sa teritoryo ng magkabilang panig para makapagsanay.

Ang RAA ay katumbas ng Visiting Forces Agreement sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos, kung saan ang mga pagsasanay militar ay pinapayagan sa ngalan ng interoperability, humanitarian mission at civic action.

Ang pinasok na kasunduang militar ng Pilipinas sa Japan ay pinagtibay habang nag-uusap ang mga diplomata ng Pilipinas at China dahil sa mataas ng tensiyon sa pagitan ng magkabilang panig sa usapin ng West Philippine Sea.

Bagama’t may positibong nangyari dahil kapwa ang Manila at Beijing ay nagkasundo na pahupain ang tensiyon sa WPS/SCS sa pamamagitan ng “de-escalation”, sumulpot naman ang RAA sa pagitan ng Pilipinas at Japan.

Sa panayam ng inyong lingkod kay Prof Lucio Pitlo III, isang political analyst sa programang “Walang Atrasan” ng Abante Radyo, matagal ng alam ng China ang pag-uusap.

Marahil nataon lamang, dahil normal lamang sa gobyerno ng Pilipinas o ng anumang mga bansa sa daigdig na palakasin ang kanilang depensa, hindi lamang sa pamamagitan ng pagbili ng mga armas kundi ganun na rin ang pakikipag-alyansa sa iba pang mga bansa.

Subalit taliwas naman ang pananaw ng grupong P1NAS. Ayon sa tagapagsalita ng grupo na si dating Cong Antonio Tinio, ang RAA ay dinisenyo ng Amerika para kontrolin ang China at mapanatili ang paghahari sa Asya.

Mula sa pagiging inward defense, outward na ang focus, na nangangahulugan na ang armed forces ng Japan na tinatawag na Self-Defense Force ay handa na makipag-engage sa labas ng teritoryo nito sa pamamagitan ng pagpasok sa mga military cooperation tulad ng RAA.

Ayon kay Prof Pitlo, hindi lamang sa Pilipinas mayroong RAA ang Japan mayroon din ito sa Australia at United Kingdom. Pangatlo sa Pilipinas – una naman sa mga bansa sa Asya at Pasipiko.

Natural lamang ang negatibong reaksiyon ng China. Nagkalat kasi sa paligid nito ang mga alyansang militar tulad ng QUAD, AUKUS, na ang mga bansang kasapi ay mayroong “free access” ang mga sundalong Amerikano.

Sa Pilipinas na lamang makikita ang mga EDCA bases, bagay na ikinabahala mismo ni Sen. Imee Marcos dahil sa “presensiya ng mga hypersonic missiles” mismo sa Ilocos Norte.

Ayon nga kay dating Cong Tinio, ang pagkakaroon ng RAA sa pagitan ng Manila at Tokyo ay “lantarang pagbubukas ng pintuan ng bansa para sa mga puwersang Hapones” sa harap ng napaulat na pananatili ng mataas na uri ng missile ng mga Amerikano sa Northern Luzon, F-22 Raptor fighter jets at Reaper drones sa Pampanga.”

Magnet ito ng pag-atake sa tunggalian ng mga Amerikano at Tsino damay na naman tayo!

The post Damay na naman tayo first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments