Tsekot: Rustproofing vs undercoating

Panahon na ng pag-uulan kaya nadagdagan ang isipin ng mga motorista sa bansa lalo na nga ang mga araw-araw ay nababalagoong sa patuloy sa paglala na situwasyon ng trapiko at lansangan kagaya ng Metro Manila.

Bukod kasi sa arawang pagdiskarte kung paano makakarating sa oras sa kanilang mga pupuntahan, kailangan na ring mag-isip ng mga motorista kung paano makikipagnegosasyon sa kalye sa mga situwasyong sila ay sinalubong ng pagbaha.

Ang pagbaha ang naging dahilan kung bakit mula sa sedan o kotse ay unti-unting lumipat ang atensiyon ng mga Pinoy sa mga SUV sa harap na rin ng katotohanang mas mataas ang ground clearance ng mga ito at mas may kakayahang lumusong sa mga bahain na kalye.

Pero dahil nga mas murang di-hamak ang mga sedan kumpara sa mga SUV, aba’y karamihan sa mga unang pagkakataon na magkakaroon o nangangarap magkasasakyan, sedan pa rin ang kinahahantungan.

Sa ganitong pagkakataon marapat lamang siguro na kahit paano ay bigyan natin ang mga baguhang sedan owners ng basic tips kung paano aalagaan ang kanilang mga sasakyan sa panahon ng tag-ulan at mga sorpresang pagbaha.

Kahit na hindi malubog o hindi tumirik kapag inilusong sa tubig-baha, dapat pa ring isipin ng mga nagmamay-ari ng sedan na tinamaan ng panganib ang kanilang mga sasakyan at isa sa mga mabibigat na panganib na ito ay ang kalawang sa underchassis.

Sa mga brand new na sasakyan, normal lamang na mayroon na talagang rustproofing procedure na pinagdaanan ang mga ito bago pa man i-turnover sa mga magiging may-ari pero batay po sa aking personal na karanasan bilang nagmamaneho na ng four-wheeled na behikulo mula pa noong 1995, aba’y hindi po ito sapat.

Mas makakampante po laban sa kalawang sa underchassis ang mga may-ari ng mga sasakyang bukod sa anti-rustproofing ay sumailalim din sa undercoating.

Ang anti-rustproofing kasi ay prosesong pili lamang ang bahagi ng underchassis na binubugahan ng itim na compound na nagsisilbing proteksiyon sa kalawang samantalang ang undercoating ay mas komprehensibong sistema kung saan, literal na parang binubugahan ng mala-aspaltong solution ang buong ilalim ng sasakyan.

Ito ay upang matiyak na kahit na anumang bahagi ng pang-ilalim o underchassis portion ng sasakyan na madidilaan ng tubig-baha ay hindi agad-agad na madadale ng kalawang.

Kung hindi kayo madalas magpalit ng oto, kada tatlong taon ay puwede ninyong ipasuri ang underchassis at pabugahan ito ng undercoating.

Magastos ba? Maaring oo pero kasama po talaga ito sa tamang pag-aalaga ng sasakyan para tumagal at masulit ang inyong ipinuhunan sa pagbili.

The post Tsekot: Rustproofing vs undercoating first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments